|
“At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; ngunit ang pagsusumakit na ukol sa sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao’y nagiging walang bunga.” (Mateo 13:22)
Makapangyarihan ang Salita ng Diyos. Napakalaki ng epekto nito sa buhay ng isang tao, aminin man natin iyon o hindi. Bakit, ‘ka mo? E kasi ganito ‘yun.
Dadalawa lang naman talaga ang puwede mong gawin pagdating sa paksang iyan. Ang isa’y ang tanggapin ang Salita ng buong puso at magpasakop sa sinasabi nito tungkol sa kaharian ng Diyos. Ang ikalawa’y ang pagdudahan ito o maliitin at patuloy na mamuhay nang ayon sa sarili mong mga prinsipyo’t pilosopiya.
Walang nasa “gitna”, kaya’t hindi ka talaga puwedeng mamangka sa dalawang ilog. Anuman ang maging reaksyon mo o pagtanggap sa sinasabi ng Salita, tiyak na may kaukulang resulta. Ang isa ay pagpapala, ang pangalawa’y sumpa.
Kaya nga malinaw ang sinasabi ni Jesus dito sa Mateo 13:22. Ang banal na Salita ng Diyos ay nagiging parang binhing ihinasik sa dawagan kapag hinayaan mong matabunan ito ng mga personal mong pinagkakaabalahan at mga ambisyon sa buhay.
Maraming tao ang puro pera lang ang habol sa buhay. Basta’t mayaman, iniisip na nagtagumpay na ang yumaman na iyon. Yumaman, humangin, tumayog ang tingin sa sarili.
Ang hindi nalalaman, sa mata ng Diyos ay para siyang binhing nabulok. Hindi naitanim nang tama kaya hindi nag-ugat ang Salita ng Diyos sa kanyang buhay. Nakinig lang, ganu’n. Pero hindi pinahalagahan ang mga katotohanan tungkol kay Cristo at sa kanyang kaharian.
“Magpayaman ka muna bago ka mag-asawa,” sabi ng isang tiyahin sa kanyang pamangkin. Hindi kumibo ang magulang ng bata, bagama’t Kristiyano, para hindi mapahiya ang tiya.
Papa’no kasi, ang kabataang pinagsasabihan ay estudyante ng Salita ng Diyos. Matagal na niyang itinuon ang kanyang sarili sa paghahanda upang magamit ng Panginoon sa Kanyang ubasan. Ang pagpapayaman sa materyal na bagay?
Hindi niya prayoridad iyon! Alam niyang ang Diyos ang bahala sa kanyang kinabukasan basta’t sumunod lamang siya nang buong puso kay Cristo Jesus.
E ang tiyahin? Dumaan minsan sa kanilang bahay na nakakotse. Medyo nagulat sila dahil alam nilang naghirap ang tiyahin na iyon.
Nalaman na lamang nila na ang pinagkakakitaan ngayon ng tiya ay ang mga pasugalan ng kanyang hipag. Tulungan sila sa “negosyo” na iyon.
Kaya ngayon, masayang-masaya na siya sa buhay niya.
Dalawang magkaibang pananaw sa kung papaano dapat mabuhay sa mundong ito.
Ang isa ay nasa daan ng pagpapala, ang ikalawa ay papunta sa walang hanggang pagkagapos sa sumpa.
Ikaw, kaibigan? Aling daan ang pipiliin mo? Pag-isipan mo ito nang mabuti. Shalom and God bless!
|