|
Isang magandang balita ang natunghayan ko kahapon sa paglulunsad ng programa sa agrikultura, sa ilalim ng Komite ng Agrikultura sa Senado na pinamumunuan ni Sen. Kiko Pangilinan at katuwang dito ang Kagawaran ng Agrikultura, Repormang Agraryo, ULAP (Union of Local Authorities of the Philippines) at ibang mga NGOs at civil society organizations, ang Sagip Saka.
Ito ay isang programang nilaanan ng pondo para tumugon sa pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura. Layon nitong pataasin ang productivity ng mga sakahan sa buong Pilipinas. Layon ding ihanda ang bansa sa mga maaaring epekto na hatid ng mga sakunang dulot ng pabago-bagong klima.
Isa na rito ang hamon ng food security o seguridad sa pagkain. Alam naman natin na malaki ang epekto ng climate change sa seguridad ng pagkain. Hindi lamang sa pagsasaka kundi maging sa pangisdaan.
Layon ng programang ito na muling bigyan ng halaga ang sektor na ito sa ating ekonomiya. Kung inyong matatandaan noong nakaraang administrasyon, milyun-milyong tonelada ng bigas ang ating inaangkat sa ibang bansa.
Isang nakakalungkot na katotohanan dahil sa isang tulad natin na isang bansang umaasa ng malaki sa agrikultura ay patuloy na umaasa ng supply ng bigas sa ibang bansa.
Kaya sa pagbibigay-halaga ng programang ito sa pansakahan ay layon nitong baligtarin ang ganitong kaayusan. Sa kasalukuyan ay halos di na umaangkat ng bigas ang ating bansa. Mayroon nang sapat na supply at hindi na nabubulukan ang mga magsasaka ng mga aning bigas.
Ngunit ang isang mahalagang bahagi ng programang ito ay ang pagpapanumbalik ng kultura sa agrikultura. Kung inyong iisipin, ang isa sa mga dahilan kung bakit maraming anak ang isang magsasaka ay dahil ang mga anak ang siyang magpapatuloy ng ganitong buhay ng pamilya.
Lalo na kung ang mga anak ay mga lalaki, isang napakalaking biyaya para sa pagpapatuloy ng pagsasaka. Ngunit dahil sa kahirapan, kawalan at tila walang katiyakan sa pagsasaka, ang mga inaasahang gagampan ng trabaho ay nag-a-abroad na.
Ayaw na nilang magsaka. Mas nanaisin pa nilang makipagsapalaran sa ibang bansa dahil walang pangakong magandang buhay ang pagsasaka. Hindi, diumano, sapat para mabigyan ng marangyang buhay ang isang pamilya na umaaasa sa pagsasaka.
Subalit ito ang nais na ibalik ng Sagip Saka. Ang buhayin muli ang kultura ng pagsasaka. Gawin itong prodaktibo nang magkaroon ng kakayahan ang mga magsasaka para matugunan ang kanilang mga pangangailangan at mapaunlad ang kanilang buhay nang hindi na nangingibang bayan. Maaari rin itong kasagutan para mabawasan ang paglobo ng populasyon sa kalungsuran.
Nawa’y maging matagumpay ang programang ito ng pamahalaan. Bagama’t napakalaking hamon ito lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng mundo, walang ibang hadlang kung ang mga sangay ng pamahalaang gagampan nito ay magsasama-sama at magtutulungan kasama ang mga NGOs at mga organisasyon ng civil society.
May pondong nakalaan para sa pagsasaka. Sa tamang pamamahala, tiyak na ito’y magtatagumpay ng dumami ang ani at umunlad ang buhay ng mga magsasaka sa ating bansa.
Comments: musikasakanto@gmail.com
|