|
Ang ikalawang article of impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona ay ang umano’y paglabag niya sa batas sa ‘di pagsusumite ng kanyang “statement of assets, liabilities and net worth”.
Napilitan ang clerk of court ng Supreme Court na ilabas ito sa impeachment hearing.
Nakita ng mga senador na mga huwes sa impeachment na maraming ari-arian o kayamanan ang mag-asawang Renato Corona at Cristina Roco.
Sa sahod na P70,000 isang buwan, hindi kayang bilhin ng mag-asawa ang maraming piraso ng lupa na nakakalat sa limang siyudad ng Metro Manila.
Kung wala sa SALN ang marami sa mga piraso ng lupang ito, lumalabas na nagsinungaling ang Chief Justice. May itinatago. Ang dahilan ba ng pagtatago ay ang katotohanan na hindi maipaliwanag ni Mr. Corona kung saan kinuha ang salapi na ibinili ng kayamanan na ngayon ay nasa pangalan nilang mag-asawa pero wala sa kanilang SALN?
Kung sa ibang opisyal ng gobyerno nangyari iyan, maliwanag na madedemanda sa kasalanang ill-gotten wealth o nakaw na yaman.
Pero sinabi ng mga abogado ni Corona na hindi raw ebidensya sa impeachment ang itinagong yaman dahil ang demanda ay tungkol lamang sa ‘di pagsusumite ng SALN.
Masisira ang ulo naming hindi abogado sa pag-intindi sa katuwirang iyan. Ganu’n pa man pumayag si Senate President Juan Ponce Enrile na markahan ang mga dokumento bilang exhibit. Pero idinagdag niya na ang mga ito ay puwedeng salungatin ng mga abogado ni Corona.
Kung hindi tanggapin ang mga dokumento na nagpapatunay ng nakaw na yaman, ibig sabihin ang pagkakasala ni Chief Justice ay ang ‘di pagsumite ng SALN lamang. Hindi siya puwedeng habulin sa kasalanang graft and corruption dahil hindi naman siya pinagbintangan ng ganitong kasalanan.
Hindi na mapaparusahan ang Chief Justice sa ganitong kasalanan dahil tanging impeachment lamang ang pinapayagan ng batas na iharap laban sa kanya. Samakatuwid hindi kasalanan ang magkaroon ng nakaw na yaman.
Ang bagay na ito ang magiging mainit na usapan sa mga darating na araw. Tutol ang mga abogado ni Corona na mademanda siya sa graft and corruption dahil lamang hindi ito binanggit sa articles of impeachment.
Ipipilit naman ng mga prosecutors na ang kasalanang pagnanakaw ang dapat parusahan sino man ang gumawa nito, kasama na nga ang Chief Justice.
Noong nakaraang hearing, tumestigo si Kim Henares, commissioner ng Bureau of Internal Revenue na hindi magkaugma ang kayamanan ni Corona at buwis na ibinayad nito.
Ibig sabihin puwede siyang idemanda sa kasalanang tax evasion. Pero sabi ni Mrs. Henares hindi na raw kailangang magsumite ng individual tax return si Corona dahil isinusumite raw ng Korte Suprema ang mga pangalan ng lahat ng empleyado sa Korte at ibinabayad ang kani-kanilang tax withheld.
Magkano ang ibinayad ni Corona na buwis na ibinawas sa suweldo niya? Walang nagtanong. Hindi naman nagsalita si Mrs. Henares.
Sa tingin ko, nadadala ang mga tagausig ni Chief Justice sa mga technicalities na ibinubulgar ng mga abogado ni Corona.
Kung sila ang masusunod, hindi kasalanan ang magnakaw kung ang ebidensya na nagpapatunay nito ay hindi naman bintang. Pero sakop na ng ‘di pagsisiwalat ng SALN ang lahat ng puwedeng kasalanan hinggil sa pagnanakaw.
Iyan ang ipipilit ng mga prosecutors. Tanggap ko ang katotohanan na medyo mahina ang prosecution. Pero maaga pa para tayo ay humusga. Ilang private prosecutor ang tutulong para ma-convict si Corona sa impeachment?
Ang taktika ng mga abogado at ni Corona ay agawin kay Pangulong Noynoy Aquino ang pagmamahal at pagtangkilik ng bayan at ilipat ito kay Corona. Sige, subukan ninyo kung ano ang magiging damdamin ng bayan sa Chief Justice na ang acceptance rating ay minus 15 percent. (email: amadomacasaet@yahoo.com)
|