www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
Sa kabukiran ang buhay

 

Habang nagkakagulo ang pamahalaan ng Pangulo at ang Kongreso sa pagpasa ng maraming bilyong budget para sa infrastructure, hindi dapat kalimutan na ang pangangalam ng tiyan ng Pilipino ay hindi makakapaghintay.


Kaya dapat ay umpisahan na ang pagpapaunlad ng kabukiran kahit hindi kasabay ang palay na maghihintay pa raw ng tatlong taon bago maging sagana. Ibig sabihin, patuloy tayong mag-i-import ng bigas.


Kung hindi sapat ang ani ng ating mga magbubukid, ano pa nga ba ang ating magagawa kundi mag-import sa Thailand at Vietnam.


Pero may mga pagkain na dapat ay itanim na ngayon para ‘di na angkatin sa ibang bansa. Bakit ang mga petsay, mustasa, patola, string beans, okra at marami pang gulay ay sa ibang bansa pa rin kinukuha?


Malaki ang problema ng administrasyon ng isang bansa na agrikultura raw pero gulay man lang ay hindi maging sapat. May dahilan ang bagay na ito.
Kasama na sa maraming dahilan ang kurakutan at kapaba­yaan.

Natatandaan ko nang nagkaroon ng malaking eskandalo tungkol sa pag-angkat ng Department of Agriculture ng mara­ming klaseng binhi ng gulay.


Nakita ko ang pruweba ng pagbabayad. Sa mga dokumento, sa isang estasyon ng DA sa Cavite ibinagsak ang mga binhi. Pero hindi mahanap.

Sinabi ng ilang opisyal na ikinalat daw sa mga magbubukid.


Wala namang aning gulay ang nasabing magbubukid. Nagpunta ako sa Bureau of Plant Industry. Kulang din sa binhi. Kung bibili ka halimbawa ng hybrid corn, sa ibang tindahan ka ituturo. Siyempre mahal ang presyo.

Malaki ang tongpats pero mahinang klaseng binhi.


Kung nararamdaman ng mga awtoridad ang gutom na nakaumang sa aming mga mahihirap, dapat kumilos na sila para kami ay tulungan. Hindi namin kailangan sa panahong ito ang mga gulay na marami pang sangkap ang bibilhin para mabuhay at lumago.


Simpleng binhi na lamang ng halimbawa ay kalabasa, talong, pipino, ampalaya at marami pang iba ang kailangan namin. Sa probinsya, may pagtatanimang bakuran sa mga binhing iyan.


Hindi na namin hangad na kumita pa sa gulay. Kung maaari tulungan na lamang kami ng gobyerno para magtanim. Sa ganu’n, hindi na kami bibili.

Sa gulay at kanin, mabubuhay na kami.


Pero wala akong nakikitang tumutulong. Dapat marami ang tauhan ng Department of Agriculture na namimigay ng binhi at nagtuturo ng pagtatanim. Wala na sila ngayon. Nasa ilalim sila ng municipal at city mayor at mga provincial gover­nor. Isinailalim sila sa mga ito ng estupidong batas na local government code.


Naging pulitiko sila at sunud-sunuran sa mga lokal na opisyal sa halip na mapasailalim ng Department of Agriculture. Ganu’n din ang mga health workers. Pinalakas ng Local Government Code ang mga opisyal na lokal ngunit pinatay naman halos ang ekonomiya at kabuhayan sa bukid.


Mga walang silbi sila ngayon. Hindi darami ang gulay kung ang city, municipal o provincial agriculturist ay laging nakabuntot sa mga pulitiko sa halip na magturo ng pagtatanim.


Gusto ba ninyong makakita ng ebidensya sa sinasabi ko? Pumunta kayo sa aking barrio sa Lipa.


Kung sampu lang may nagtitinda ng gulay. Bakit may tindang gulay sa bukid samantalang sa ibang bukid din itinanim ang mga ito? May ilang dahilan. Ang una ay tamad ang mga tao, kasama na ang marami kong kamag-anak.


Bakit sila naging tamad? Dahil wala naman silang nakikitang mga agriculturist o kaya ay extension worker na tumutulong sa kanila para sila ay magtanim.


Ang gulay na binili sa ibang bukid ay mula sa pawis ng mga taong nagtitiyaga. Hindi sa tulong ng gobyerno nagmula iyan.


Walang silbi ang gobyerno sa paglutas sa problema ng gutom. Puro import ang alam nila dahil malaki ang “tongpats.”

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section