Kinuwestyon ng Gabriela partly-list ang isinampang kasong libelo ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa isang blogger.
Sinabi ni Gabriela Rep. Liza Maza na dapat ipaliwanag ng NBI at ni dating DSWD Secretary Esperanza Cabral kung ano ang motibo ng mga ito para kasuhan ang isang nagngangalang “Ella” na naglabas lamang ng pahayag hinggil sa kabiguan ng ahensya sa pagbibigay ng relief goods sa mga biktima ng bagyong Ondoy.
Iginiit ni Maza na hindi dapat masamain ng DSWD ang lumabas sa mga internet hinggil sa pagho-hoarding umano ng relief goods sa mga warehouses noong Oktubre 21, 2009 sa kainitan ng relief operations.
Nangangamba ang kongresista na ang nasabing kaso ay magamit laban sa bawat indibidwal na nais lamang magpahayag ng damdamin at sentimiyento sa kasalukuyang administrasyon at ahensya nito.
Sa halip umano na magsampa ng kaso ay dapat na ituring umano ng DSWD na hamon ito para patunayan na mali ang pahayag ng nasabing blogger sa pamamagitan ng paglabas ng official records.
Magugunitang labis na sumama ang loob ni Cabral sa mga naglalabasang balita na nagkakaroon ng iregularidad sa isinasagawang pamamahagi ng mga ito ng relief goods sa mga naapektuhan ng kalamidad sa bansa.
Inakusahan ang ahensya kaugnay ng umano’y pagtatago ng mga ibinibigay na relief goods o foreign aid at iba pang donasyon sa iba’t ibang international organizations.
Pinatutsadahan naman ni Anakpawis party-list Rep Joel Maglunsod si Cabral na ‘huwag maging balat-sibuyas’ kaugnay ng pagsampa nito ng kasong libelo laban sa blogger na si ‘Ella’.
“Masyado naman siyang sensitive, balat sibuyas. Karapatan niyang magbigay ng kanyang pananaw o sentimiyento sa mali nilang ginagawa,” ani Maglunsod kaugnay ng kasong libel laban sa blogger na si “Ella”.
Sinabi naman ni Bukidnon Rep. Teofisto Guingona na hindi dapat mapikon si Cabral sa mga pahayag ni Ella sa kanyang blog dahil isa lamang aniya itong pag-exercise ng “freedom of expression”.
Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Raymond ‘Mong’ Palatino na walang ibang napaboran sa libel case na isinampa ni Cabral kundi ang lahat ng mga kandidato ngayon lalo na ang mga presidentiables na siyang sentro ngayon ng mga komento sa mga blog sa internet.
|