Concubinage

 

Dear Say Chiz,


Happy New Year sa napakabuting senador at kababayan!


Ako po ay 25 years old at kasalukuyang nagdadalantao sa unang anak ko

.Ang asawa ko po kasi ay may ibang babae at alam po ng babae na kasal kami at magkakaanak na. Sa ngayon po, hinihikayat ng babae na hiwalayan ako ng asawa ko at alam ko pong nais itong gawin ng mister ko.

Maaari po bang basta na lang akong hiwalayan ng asawa ko para maging malaya sila ng babae n’ya? Gusto ko po sanang ipakulong ang asawa ko at ang babae niya para maturuan sila ng leksyon sa harap-harapang pananakit sa akin. Sana po ay mabigyan n’yo ako ng payo sa mga dapat kong gawin at ideya sa mga gastusin?


Lubos po akong umaasa sa inyong tugon at tatanawin ko po itong malaking utang na loob butihing senador.


Salamat po at mabuhay kayo!


Lubos na gumagalang,
Angel ng Bulacan


Dear Angel,


Maraming salamat sa iyong pagsulat. Pinakamabuti pa ring mag-usap kayong mag-asawa at pagsikapang ayusin ang inyong pagsasama para sa inyong magiging anak. Hindi solusyon ang inyong paghihiwalay sa problemang kinahaharap ninyo ngayon. Subalit sakaling hindi pa rin kayo magkaintindihan matapos ang isang masinsinang pag-uusap, marapat na gawin ninyong legal ang inyong paghihiwalay.


Sa una mong katanungan, hindi tamang hiwalayan ka (at ang inyong magiging anak) basta-basta ng iyong asawa nang walang pananagutan sa batas. Bilang asawa mo at ama ng inyong anak, siya ay may obligasyong suportahan ka at ang inyong anak. Ang obligasyong suportahan ka ng iyong asawa ay hindi mapuputol hangga’t kayo ay mag-asawa, at sa iyong anak hanggang kaila­ngan siya nito. Sakaling talikuran niya ang obligasyong ito sa kabila ng iyong marapat na paghingi nito, maaari kang maghain sa hukuman ng isang petisyon upang humingi ng suporta.


Sa ikalawa mong katanungan, makabubuting pag-isipan mong mabuti bago ka maghain ng anumang reklamong kriminal laban sa iyong asawa at sa babae nito. Ang ganitong tagpo ay maaaring magpalala ng lamat sa inyong pagsasama. Subalit sakaling ma­ging sukdulan na ang sinasabi mong harap-harapang pagbabalewala at pananakit sa iyong kalooban, maaari kang magsampa ng kasong concubinage laban sa iyong asawa at sa babae nito.


Ayon sa Article 334 ng Revised Penal Code, ang sinumang la­laking may asawa ang magbabahay ng kanyang kabit sa kanilang tahanan nilang mag-asawa o makikipagtalik sa babaeng hindi niya asawa sa isang eskandalosong pangyayari o makikisama sa ibang babae sa ibang lugar, kapag napatunayan, ay maaaring maparusahan ng pagkakulong ng ayon sa batas. Ang babaeng kinakasama nito ay maparurusahan naman ng destierro. Kailangang magkaroon ng mabigat at sapat na ebidensya upang mapatunayan ang lahat ng ele­mento ng krimeng concubinage.


Senator Francis “Chiz” Escudero

Ilakip ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan ng SMS o text message sa teleponong 0915-2974053.

 
 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section