Dear Chiz,
Gusto ko pong humingi ng payo kung anong dapat kong gawin sa aking
sitwasyon. Ako’y ikinasal noong 2002 sa simbahan at nagkaroon
kami ng anak na babae noong 2003. Nu’ng year 2004 naghiwalay
na po kami ng asawa ko, umuwi siya sa bahay nila kasama ang aming
anak, at pinupuntahan ko na lang kapag libre ang oras ko at kapag
weekends.
Ganun po ang naging kasunduan namin. Noong 2005,
nabuntis po ‘yung asawa ko ng ibang lalaki at kinuha ko po
‘yung anak namin at pinagbigay alam ko muna sa kanilang barangay
‘yung ginawa kong pagkuha sa anak ko at ganun din sa aming
barangay. Napagkasunduan namin sa barangay na sa akin na ang custody
ng anak namin. Ngayon po ay 5 years old na ‘yung anak namin.
Pwede pa rin ba akong magsampa ng kasong adultery ngayong
2008 kahit po hindi ko kilala ‘yung lalaki? Natatakot
po ako na baka mabawi sa akin ‘yung anak namin kapag nagsampa
na ako ng kaso.
Ano po ang dapat kong gawin para hindi mabawi
‘yung anak ko?
Benjie
Dear Benjie,
Ayon sa iyong liham, nais mong malaman kung mayroon ka pang karapatan
upang magsampa ng kasong adultery laban sa iyong asawa gayong halos
tatlong taon na ang lumipas mula sa pagkakadiskubre mo sa krimeng
nangyari.
Ang krimeng adultery, ayon sa ating batas, kapag napatunayan na
nagkasala nga ang nakademanda, ay may parusang tinatawag na prision
correcional. Ang nasabing parusa ayon muli sa batas, ang nagsasabi
kung hanggang kailan pupwedeng magsampa ng kaso laban sa isang tao.
Ang pagsasampa ng kaso para sa krimeng may parusang prision correcional
ay pinapayagang maihain sampung taon mula sa pagkakasala. Pagkalipas
ng sampung taon, hindi na pinapayagan pa na maisampa ang nasabing
kaso.
Kung ating susuriin ang iyong nailahad, noong 2005 lamang nagawa
ang pagkakasala, kung kaya’t makalipas ng tatlong taon, o
ngayong 2008, maaari mo pa ring isampa ang nasabing kaso. Ang kinakailangan
lamang ay mailahad ng mabuti sa iyong complaint ang mga elemento
ng nasabing krimen, tulad ng sumusunod:
1. Na ang babae ay ganap at legal na kasal sa iyo;
2. Na siya ay nakipagtalik o nakiapid sa ibang lalaki na hindi niya
asawa;
3. At laban naman sa lalaking nakipagtalik sa kanya, alam ng nasabing
lalaki na kasal ang babae.
Importante na ang mga nasabing elemento ay malinaw at may sapat
na ebidensiya upang mapatunayan ang pagkakasala. Liban pa rito,
importante rin na ang pagsasampa ng kaso ay hindi lamang limitado
sa iyong asawa.
Kinakailangan na pati ang lalaking kanyang kinaapid
ay makasuhan kung kaya’t dapat mong alamin ang kanyang katauhan.
Tungkol naman sa pangangalaga sa iyong anak, hindi naman nangangahulugan
na kapag nagsampa ka ng kasong adultery laban sa iyong asawa ay
mababawi na sa iyo ang iyong anak. Ang pangangalaga sa mga anak
ay kinikilalang karapatan ng parehong magulang, ngunit mayroong
mga sitwasyon kung saaan ang pangangalaga ay maaaring ihabilin
ng hukuman sa isang magulang kung ito ay makabubuti para sa interes
at kapakanan ng bata.
Kung mapapatunayan na nagkasala nga ang iyong asawa ng adultery,
maaari pa itong gamiting dahilan upang lalong palakasin ang karapatan
mo sa pangangalaga ng inyong anak. Kahit na binibigyan ng kahalagahan
ng ating batas na ‘di mawalay ang isang menor de edad na anak
sa kanyang ina, hindi ibig sabihin na ang nasabing bagay ay ‘di
na maaaring magbago.
Maaari pa ring ibigay o panatilihin ang pangangalaga
ng bata sa ama kung ito ay alinsunod sa kapakanan ng bata. Tandaan
lamang na kapag ang pinag-uusapan na ay ang pangangalaga sa mga
bata, ang importante ay kung ano ang pinakamakabubuti para sa mga
bata.
Senator Francis “Chiz” Escudero
Ilakip
ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan
at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan
ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port
Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan
ng SMS o text message sa teleponong 0915-2974053.
|