GABAY NG DIYOS

Bebot sanay mandukot

(Armida Rico)

 

Sanay na sanay sa pandurukot ang isang babae, ngunit mahina naman ito sa takbuhan kaya nagawang mahuli ng nabiktima nito kahapon sa Pasay City.


Diretso sa kulungan sa tanggapan ng Criminal Investigation Division ng Pasay City Police ang suspect na si Linda Mandanas, 42, walang trabaho, ng Velasquez, Tondo.


Ayon kay PO2 Mike Manarang, nabawi umano kay Mandanas ang cellphone ng biktimang si Emmalyn Batilla, 23, ng Bgy. Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan.


Sa imbestigasyon, dakong alas-5:00 ng hapon nang maganap ang insidente habang naglalakad sina Batilla at dalawang kaibigang lalaki sa EDSA-Rotonda nang napansin ng babae na bukas na ang kanyang shoulder bag.


Hindi naramdaman ni Batilla na nabuksan ang kanyang bag pero nang siyasatin ang laman ay nakitang nawa­wala na ang kanyang cellphone. Itinuro naman ng mga nakakita si Mandanas na noon ay papasakay na ng bus.


Nagtatakbo ang suspek pero hinabol ng mga kasama ni Batilla.


Dahil mas mabilis tumakbo ang mga lalaki, nakorner ang suspect at nang makuha sa kanya ang cellphone ng biktima ay agad dinala ng mga ito sa nasabing himpilan ng pulisya.

 
 
 
 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section