Isang tricycle driver ang malubhang nasugatan
matapos sapakin at barilin ng tatlong hindi nakikilalang kalalakihan
makaraang mapagkamalang police asset ang biktima habang nakikinood
ng larong sakla sa isang lamay sa Malabon City, kahapon ng
madaling araw.
Under observation sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi
ng tinamong bala ng ‘di pa mabatid na kalibre ng baril sa
leeg, bukod pa ang mga tama ng suntok sa mukha ang biktimang si
Rocky Llanera, 34, binata, ng Gulayan, Brgy. Catmon.
Sa imbestigasyon ni P02 Rommel Habig, ala-1:00 nang maganap ang
insidente sa Sitio 6, Brgy. Catmon. Nakikinuod umano ng sakla habang
nakikipaglamay ang biktima nang lapitan ito ng tatlong di-nakilalang
suspek.
Isa sa mga suspek ang nagtanong sa biktima kung siya si Rocky
na agad namang umamin. Kasunod noon ay basta na lang umanong
binigwasan ng suntok sa mukha ang biktima bago pinutukan sa leeg.
Wala umanong nakapalag sa mga taong nakikipaglamay dahil
sa takot na maging sila ay barilin ng mga suspek na mabilis ding
tumakas nang duguang bumagsak ang biktima.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung ano ang tunay na motibo ng
tangkang pagpatay, subalit may nagsasabing posible umanong napagkamalang
police asset ang biktima.
|