Walang patawad ang apat na kilabot na holdaper
dahil maging ang bitbit na groceries ng dalawang magkaibigan ay
kinuha rin ng mga ito kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Ayon kay PO3 Dennis Matriano ng Parañaque Police Community
Precinct-3, alas-8:00 ng gabi nang holdapin sina Christian
Montesa, 24, at Jonathan Basilio, 18, kapwa ng Purok 2, Lower Bicutan,
Taguig.
Naglalakad umano ang dalawa sa Mañalac Avenue nang pagsapit
sa kanto ng East Service Road ay hinarang ng apat na lalaki, dalawa
rito ay armado ng kalibre 38 revolver at patalim.
Nagdeklara agad ng holdap ang mga suspect at habang nakatutok
ang armas ng dalawa sa mga biktima, pinagtig-isahan naman silang
kinapkapan ng dalawa pa.
Nakuha na nga umano ng mga suspect ang Asus celphone at P300 ni
Montesa at P1, 200 cash naman ni Basilio na nasa kani-kanilang
mga bulsa ay kinuha pa rin ng mga salarin ang bitbit na grocery
items ng dalawa.
|