IKinuwestiyon ni Gabriela Rep. Liza
Maza ang muling pagbuhay sa National ID system na gagamitin
umano ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa darating
na 2010 elections.
“The National ID system is
Arroyo’s dog tag that will only serve her vested interests
in the 2010 elections,” giit pa ni Maza.
Iginiit ng nasabing mambabatas na ang pagbuhay sa unified
identification (ID) system na iniulat umanong iiimplementa ngayong
taon at lalagdaan sa unang bahagi ng taon ang memorandum of agreement
sa pagitan ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance
System (GSIS), Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth), at
Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG).
Idinagdag pa ni Maza na unconstitutional
at hindi makakatulong na lutasin ang suliranin sa kriminalidad,
terorismo at kawalan ng linya sa mga social services sa bansa.
Sa halip umano ay magagamit lamang
ito para pagkaitan ang sinuman na makatanggap ng pangunahing
serbisyong medikal, edukasyon at maging bumiyahe sa sandaling
walang mailabas na national ID card.
Target na maimplementa ito ngayong
taon o kaya bago matapos ang termino ni Arroyo sa Hunyo 2010 kung
saan, isang ID na lamang ang gagamitin ng mamamayang Filipino.
Optimistiko si Maza na muling maibabasura ang nasabing plano tulad
ng nakalipas ay mariing tinutulan ng iba’t ibang sektor ng
lipunan.
|