Masusubukan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
ang pasensya ng taumbayan oras na ipilit ng mga kaalyado nito
ang pagsusulong ng Charter change (ChaCha) na mangangahulugan ng
pananatili nila sa puwesto ‘beyond 2010’ sa pamamagitan
ng paglusaw sa eleksyon.
Ito ang binitiwang babala kahapon ng minority bloc ng Kamara sa
pangunguna ni Bayan Muna partylist Rep. Satur Ocampo na nagsabing
hindi na umano mapapalampas ng sambayanan ang ganitong ‘kakapalan’
kung sakali.
“The Filipino people are fully aware that Mrs. Arroyo has
no other legal option to stay in power beyond 2010. Resurrecting
ChaCha only highlights Mrs. Arroyo’s serving agenda.
Subukan lang nila. Sobrang kapal na talaga,” diin pa
ni Ocampo.
Kung nakaligtas umano ang Pangulo sa pagtatangka ng Magdalo soldiers
sa pangunguna ni Sen. Antonio Trillanes na mapaalis siya sa puwesto,
hindi na siya makakaiwas sa ngitngit ng taumbayan kapag ipinilit
nito ang kanyang term extension sa pamamagitan ng ChaCha.
Batid na umano ng taumbayan na kaya muling binubuhay ng administrasyong
Arroyo ang ChaCha ay dahil nakaplano na ang patuloy na pagkapit
ng Pangulo sa poder kahit tapos na ang termino niya sa 2010.
Iginiit din ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriquez na hindi napapanahon
ang pagtalakay sa ChaCha dahil ito’y tiyak na muling magbibigay
na ng tensyon at maghahati sa taumbayan.
Mas marapat umanong tapusin na muna ang termino ng mga nakaupo ngayon
at saka na lamang muling pag-usapan ang ChaCha sa termino ng mga
bagong halal na opisyal upang maiwasan ang pagdududa sa kasalukuyang
administrasyon.
Kasabay nito, todo tanggi naman si House Speaker Jose de Venecia
Jr. na siya ang nasa likod ng muling pagtutulak at pagbubuhay sa
ChaCha.
Sa isang interview sa radyo, sinabi ni De Venecia na tulad ng nauna
niyang pangako ay isinantabi na muna ang ChaCha at sa halip ay pinagtutuunan
ng pansin ng Kamara ang mga mahalagang panukalang nakabinbin.
“I have said repeatedly that we should not discuss Charter
change so I have stuck with my commitment,” ayon kay De Venecia
sabay nguso sa ilang galamay ng Malacañang na maaari umanong
nasa likod ng muling paggalaw ng ChaCha.
Kaugnay nito, muli namang binarahan ng Senado ang ideya ng ChaCha.
“I don’t think ChaCha has a chance whatsoever,”
paniniyak ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na itinuturing
na ‘dark horse’ sa 2010 elections.
Maging si Sen. Mar Roxas, isa sa lumulutang na pangalan sa hanay
ng mga presidentiable sa 2010, ay hindi pabor sa ChaCha sa pagsasabing
hindi ito ang sagot sa napakaraming problema ng bansa.
Sa panig naman ni Senate majority leader Francis ‘Kiko’
Pangilinan, nahihilera sa vice presidential bets, sinabi nitong
hindi lamang ang mga senador ang maigting na tumututol sa ChaCha
kung ngayon ito isusulong kundi ang taumbayan mismo.
“Hindi papayag ang taumbayan na manatili pa lampas ng 2010
si GMA,” anang senador.
Maging si Sen. Richard Gordon na isa sa supporters ng ChaCha ay
nagsabing hindi makakalusot sa kanyang komite ang pagsusulong nito
ngayon.
“Ako, gusto kong baguhin ang Konstitusyon pero pagkatapos
muna ng eleksyon,” diin ni Gordon na sinasabing interesado
rin umano sa presidential race.
Kaugnay nito, inilutang ng militanteng grupong Pamalakaya ang pangambang
bubusugin ng Malacañang ng mga proyekto ang mga barangay
officials sa buong bansa bilang ‘alas’ sa pagsusulong
ng ChaCha.
Maging ang ipinupuwestong bagong komposisyon ng gabinete ni Arroyo
ay pinangangambahang bahagi ng ambisyosong plano ng ‘no elections’
na unang hakbang ng term extension via ChaCha.
Ngunit tahasan itong pinabulaanan ng Malacañang at sa pamamagitan
ni deputy presidential spokesman Anthony Golez ay sinabi nitong,
“The 2010 election is pushing through amidst the ChaCha rumors.”
Mahigpit ding itinanggi ni Local Government Sec. Ronaldo Puno ang
pahayag kamakailan ni Makati City Mayor Jejomar Binay na gagamitin
diumano ng pamahalaan ang kinakalap na mga impormasyon sa bawat
barangay para muling buhayin ang ChaCha sa pamamagitan ng panibagong
People’s Initiative (PI).
|