www.abante-tonite.com
 
 
 
Pautang ni ama

 

Dear Senator Chiz Escudero,


Magandang araw po. Walo kaming magkakapatid na naulila sa aming ama pero meron kaming stepmother. Noong buhay pa ang aming ama ay may pautang siyang P200,000.00 na hindi pa kabilang ang interes. Sa tagal ng panahon na hindi ito nabayaran, namatay ang aming ama nang hindi man lamang ito nasisingil. Nagkusa namang magbayad ang nagkautang sa kanya (pinsan ng aking ama) dahil nakunsensiya raw siya. Pera ng mag-asawa ang pinautang ng aking ama. Ibig sabihin ay tig-P100,000.00 sila ng aking stepmother. Ito ang aking katanungan: may karapatan ba ka­ming walong magkakapatid kung kukunin namin ang parte ng aming ama sa bayad na nagkakahalaga ng P100,000.00 dahil patay na siya?


Lubos na gumagalang,
Laila

 

Dear Laila,


Nais mong malaman kung ikaw at iyong mga kapatid ay may karapatan na kunin ang kabahagi ng inyong ama na nagkakahalaga ng Php100,000.00 mula sa kabayaran ng kanyang pautang matapos niyang mamatay.

Ipagpalagay natin na ang Php200,000.00 na bayad sa kanyang pautang ang kanyang tanging ari-arian. Ang inyong stepmother ay makakatanggap ng kalahati o Php100,000.00 na kanyang bahagi sa kanilang ari-arian bilang mag-asawa. Samantalang ang natitirang Php100,000.00 ay paghahati-hatian ng mga legal na tagapagmana ng inyong ama. Kung ipapalagay natin na namatay ang inyong ama at wala siyang iniwan na testamento, paghahati-hatian ninyong walong magkakapatid ang P100,000.00 o tig-Php12,500.00 bawat isa.


Ang nabanggit na paghahati ay base sa kasalukuyang batas na nagsa­saad na ang naiwang asawa ay nararapat na makatanggap ng patas na baha­ging mamanahin ng isang lehitimong anak, lalo na kung walang naiwang testamento.


Sana ay lubos na naka­tulong ang aking kasagutan sa iyong tanong. Muli ay maraming salamat sa iyong ipinadalang liham.


Sumasainyo,


Senator Francis “Chiz” Escudero

***

Ilakip ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan ng SMS o text message sa teleponong 0915-2974053.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section