Muli
na namang napatunayan kahapon sa hearing ng Kamara hinggil sa drug
case ng Alabang drug suspects, na hindi mababaluktot ang katotohanan.
Kung napanood ninyo ang kabuuan ng pagdinig bago ito isinara para
sa isang executive session (closed-door hearing), mapapagsino ninyo
ang nagsasabi ng totoo.
Hindi tayo umaasa na mayroong aamin na tumanggap ng P50 milyong
suhol o kahit baryang suhol lang. Hindi pa ipinapanganak ang ganito
katangang tao.
Isa pa, nang tanggapin nila ang milyones na suhol - kung totoo man
ito - ay kasama na nilang ibinenta ang buo nilang pagkatao. Kaya
magkabuhul-buhol man sila sa pagsisinungaling, ilang panunumpa man
ang ipagawa sa kanila, paninindigan nila na sila’y inosente.
Ganyan ang kapangyarihan ng pera, lalo’t milyones.
Ang matindi nito, paano nga ba mapapatunayan ang suhulan para raw
sa pagdismis sa kaso na hinawakan ng Department of Justice (DOJ)?
E, mismong ang mga suspek at pamilya nila ay tigas ng pagtanggi.
At inaasahan ‘yan.
Ang klaro lang ngayon ay ibinasura na nga ng DOJ ang kaso at meron
na silang release order para sa tatlong suspek na pawang taga-Alabang.
Pero hindi nga puwedeng maging kongklusyon ‘yun na nagkaroon
nga ng suhulan. Dapat ay may ebidensya talaga na may nag-abutan
ng pera.
Kung titingnan natin ang mga reaksyon kahapon sa internet, sa mga
blog sites at sa interaction sites ng iba’t ibang news websites,
marami ang bumilib kay Marine Maj. Ferdinand Marcelino. Kahit daw
sa pagsasalita lang ay makikita na kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Ang pamunuan ng Philippine Marines ay nasa likod din ng integridad
at paninindigan ng kanilang kabaro.
Posible ‘yan. Pero hindi ganyan gumagana ang legal system.
Kailangan ay may pruweba at solidong ebidensya para mapatunayan
ang isang akusasyon.
Gayunpaman, hindi man mailutang ang ebidensya sa usaping ito, naniniwala
kami na kailanman ay hindi mababaluktot ang katotohanan.
Hindi man sa oras na ito, sa mga susunod na pagkakataon.
|