www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

Oil rollback tablado
(Jun Tadios/Armida Rico/AP)

 

Suntok-sa-buwan nga­yon ang iginigiit ng Department of Energy (DOE) at Consumer and Oil Price Watch (COPW) na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.


Ibinalandra kahapon ng mga oil players ang depensa na nagkakalamat na naman ang galaw ng crude oil sa pandaigdigang merkado matapos bahagyang nakabawi ang presyo ng langis sa huling buwan ng 2008.


Dahil umano sa sigalot sa Gaza, unti-unting nagbabago ang presyo ng langis sa world market kung saan pumalo na naman ito sa US$48 kada bariles, tumaas ng halos apat hanggang limang dolyar makaraang sumiklab ang giyera.


Sa panayam ng DZMM kay Pilipinas Shell spokesman Bobby Kanapi, iginiit nito na magdahan-dahan muna dahil baka humangos pa ng mas malaking dagdag-presyo ang halaga ng langis sa world market.


Pag-aaralan pa umano nila kung kayang ibigay ang hinihinging rollback sa presyo ng kanilang produkto.


Ngayong buwan ng Enero hanggang Marso ang peak season ng China sa paghahabol ng mga reserbang produkto kaya mataas ang demand ng langis at supply ng enerhiya roon.


Samantala, maaaring tumaas muli ang halaga ng liquefied petroleum gas (LPG) sa mga susunod na linggo sanhi ng pagtaas ng halaga ng contract price nito sa pandaigdigang pamilihan.


Sa pinakahuling ulat na lumabas,tumaas ng hanggang $40 dolyar ang halaga ng contract price sa world market kaya’t malaki ang magiging epekto nito sa presyo ng lokal na pamilihan, partikular na ang mga uma-angkat nito ng direkta.


Pangunahin na umanong maaapektuhan ng paglobo ng contract price ng LPG ang mga dealers na uma-angkat lamang ng maliit na volume.


Kung hindi magbabago ang paglobo ng contract price nito sa world market, tiyak na sa susunod na dalawang linggo ay makakaapekto na ito sa presyo ng lokal na pamilihan.


Kamailan inihayag ni LPG Marketers Association president Arnel Ty na matindi ang nararanasang kakapusan ng LPG sanhi ng malaking pangangaila­ngan nito sa merkado at sa umano’y ginagawang pag-ipit dito ng malalaking kompanya ng langis.


Sa kabilang dako, patuloy naman sa pagtatag ang presyo ng mga produkto at bilihin sa Pilipinas mula nang dumausdos ang inflation rate simula noong Disyembre.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section