www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

Pinoy team sa Gaza nakaantabay
(Aries Cano)

 

Hindi susuko at patuloy na nakaantabay ang grupo na maglilikas sa mga Filipino sa Gaza.


Ayon kay Philippine Ambassador to Israel Petronila Garcia, nabigo silang mailikas kamakalawa ang ilang Filipino dala ng matinding bakbakan.


Gayunpaman, nilinaw ni Garcia na patuloy silang nakaantabay at hinihintay lamang nila ang hudyat ng mga awtoridad ng Israel upang sunduin at ganap na mailikas ang mga Pinoy.


Nauna ng inihayag ng opisyal na 66 Filipino ang nagpasyang mailikas pero dala ng grabeng banatan ay bumaba pa ito sa sa bilang na 13 hanggang sa naging anim na lamang kabilang ang apat na bata, nanay ng mga ito at isang madre.    


Sinabi pa ni Garcia na hindi makalabas sa kani-kanilang mga tirahan ang mga ililikas na Filipino.


Maliban dito, sina­sabing nabarahan na rin umano ang daraanan kaya ang bus na susundo sa Gaza at maghahatid sana sa mga dayuhan kabilang na ang ilang Filipino nationals ay nabigo ng makabiyahe patungo sa Eretz border.


Batay kay Vice Consul Thad Hamoy ng embahada ng Pilipinas sa Israel, mayroon umanong 19 foreig­ners na pasahero ang bus na umalis ng Gaza papuntang Eretz border subalit hindi umano kinaya ang pagbiyahe sanhi ng mga sagabal na nagbagsakan sa daanan dulot marahil umano ng mga pagsabog.  


Una pa umanong pinayuhan ang mga pasahero na maglakad na lamang sa may 200 metrong layo patungo sa border subalit mariing tumutol ang mga miyembro ng International Red Cross sapagkat mayroon umanong mga nakakalat na snipers.


Inatasan na lamang ang bus na bumalik ng Gaza kaya walang nailikas sa buong maghapon kamakalawa.


Inaasahang maiaalis ang mga sagabal na nakahambalang sa daan sa loob ng isang linggo kaya patuloy na nakabantay ang embahada ng Pilipinas sa mainam na tiyempo ng paglilikas.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section