Nanganganib na maipasara ang Pediatric Neurosurgical
Craniofacial Unit ng Philippine General Hospital (PGH) dahil
sa pang-iipit ng Malacañang sa pondo ng pork barrel fund
ng oposisyon.
Ayon kay Sen. Pia Cayetano, kailangang buhusan ng pondo ng
pamahalaan ang nasabing unit dahil nanganganib itong maipasara samantalang
malaki ang naitutulong nito sa mga mahihirap, lalo na ang mga
batang may ginagamot sa sakit nilang hydrocephalus, encephaloceles
at spina bifida.
“It is the national government which should be taking
pains to ensure that there’s sufficient budget for important
health facilities like this. But sadly, its proponents are forced
to source funding from private donors because it’s not a Palace
priority,” paliwanag ni Cayetano.
Umaabot na sa 168 bata na ang pamilya ay hindi kayang gastusan ang
mahal na cranial at spinal surgery ang natulungan ng nasabing unit
simula nang maitayo ito noong Abril 2008.
Karamihan sa pondong ginagamit dito ay nanggaling pa sa Compañero
Rene Cayetano Foundation at Gabriel Symphony Foundation.
Naniniwala pa si Cayetano na kung hindi lang namimili ang Malacañang
at ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagpapalabas
ng pondo ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala
sa pork barrel fund ng mga senador, hindi sana nahihirapan sa funding
para mapatakbo ang nasabing unit ng PGH.
|