Dahil na rin sa karaniwang kaso na kinahaharap
ng mga mediamen, pangunahin na ang kasong libel na kadugtong
na ng kanilang trabaho, sumaklolo naman kahapon ang Public Attorney’s
Office (PAO) at nagpahayag ng pagbibigay ng libreng serbisyong legal
sa lahat ng print at broadcast media practitioners.
Sa memorandum circular no. 001 na ipinalabas ni PAO chief Percida
Rueda-Acosta sinabi nito na dapat mayroong katuwang ang mediamen
sa kanilang pagtupad ng tungkulin at ang pagbibigay ng serbisyong
legal ay isa sa paraan upang hindi ito matakot na ilabas ang katotohanan
sa likod ng mga kontrobersya.
Sa 2-pahinang memorandum batay sa Republic Act 9406 ay inatasan
ni Acosta ang tanggapan ng Regional Public Attorney’s, Division
chiefs, District public Attorney’s, officers-in-charge, PAO
lawyers at lahat ng staff nito na magbigay ng serbisyong legal sa
kanilang inquest at night court duties.
Kasama umano sa memorandum ang mga print at broadcast media
practitioners at kanilang mga staff na makakaranas ng pangha-harass
na may kinalaman sa kanilang trabaho.
|