Naniniwala ang mga lider ng oposisyon na palihim
na kumikilos ang Malacañang upang ipilit ng mga kaalyado
ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na isulong ang Charter
Change (ChaCha) bago sumapit ang taong 2010 upang hindi na magkaroon
ng halalan at manatili sa kapangyarihan ang kasalukuyang administrasyon.
Ito ang magkahiwalay na pahayag kahapon nina Makati City Mayor Jejomar
Binay ng grupong Black & White Movement.
Malaki ang pagdududa ng grupo ng Black & White Movement na may
mangyayaring eleksiyon sa taong 2010 bunga ng umano’y kawalan
ng matinding manok ang administrasyon na ipantatapat sa malalakas
na kandidato ng oposisyon.
Ayon kay Leah Navarro, co-convenor ng naturang grupo, tahimik na
gumagawa na ng hakbang ang Malacañang para sa planong pagsusulong
ng Charter Change na magreresulta sa pagpapalit ng porma ng gobyerno
at tuluyang magbabasura sa presidential election.
Pinayuhan din ng grupo ang mga pumupustura at nag-aambisyong tumakbo
sa pampanguluhang halalan na tiyakin muna na may magaganap na eleksiyon
bago magpakilalang aspirante upang hindi maunsiyami ang kanilang
plano.
Naniniwala ang dating singer-actress na posibleng ipilit ng mga
kaalyado ni Pangulong Arroyo na isulong ang ChaCha bago sumapit
ang taong 2010 upang hindi na magkaroon ng halalan at manatili sa
kapangyarihan ang kasalukuyang administrasyon.
Gayunpaman, tiniyak ng naturang grupo na mananatili ang kanilang
pagmamasid at paggawa ng kaukulang hakbang upang mapigilan ang tahimik
na pagsasagawa ng operasyon ng Malacañang para hindi matuloy
ang halalan sa pamamagitan ng pagsusulong ng ChaCha.
Sa panig ni Binay, presidente ng United Opposition (UNO) at isa
rin sa mga nagbabalak sa 2010 presidential elections, pinaalalahanan
nito ang oposisyon na habang nakasentro ngayon ang usapin para sa
kung sino ang magkakatunggali sa nalalapit na eleksiyon ay mayroon
namang tahimik na hakbang na ginagawa ang administrasyon para isulong
ang ChaCha na ang pangunahing layon ay palawigin pa ang termino
ni Pangulong Arroyo.
“As long as the Arroyo administration remains in power, we
must remain vigilant, especially against attempts to revise the
Constitution or re-impose martial law. Whatever road is taken, the
objective is to prolong the Arroyo administration’s grip on
power, and we should not allow that to happen,” pahayag ni
Binay.
Binay nagbanta
Nagbanta naman si Binay sa administrasyon bilang lider umano ng
UNO ay kanilang mahigpit na binabantayan ang ginagawang hakbang
ng pamahalaan. Tinukoy ng alkalde ang panukala ng Department of
Interior and Local Government (DILG) na isagawa ang barangay registration
system, ani Binay, ang nasabing hakbang ay isang paraan para buhayin
muli ang people’s initiative na kailanman ay hindi nila pahihintulutan
na mangyari.
“The registration program is intended to identify residents
in all barangays by requiring them to register with their respective
barangay halls, but the exercise could easily be transformed into
another signature drive for Charter Change,” dagdag pa nito.
Binatikos din ni Binay ang panibagong alegasyon ng militar at ng
DILG na mayroon na naman silang nadiskubreng destabilization attempt
laban sa Arroyo administration.
Tiyaking may eleksyon
Kaugnay nito, naniniwala naman si Senator Alan Peter Cayetano na
sa halip na pagkaabalahan umano kung sino ang mga tatakbo sa 2010
presidential election ay dapat umanong higit na pagtuunan ng pansin
ngayon ay ang tiyakin na may magaganap na eleksiyon sa 2010 at ang
matiyak na ito’y magiging malinis.
Samantala, habang naniniwala ang oposisyon na si Vice President
Noli de Castro ang isa sa pinakamalakas na posibleng kandidato ng
administrasyon sa 2010 elections, tahasang sinabi naman ni Metropolitan
Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando na
malabong kunin ang una ng Lakas-CMD bilang kandidato dahil sa dami
umano ng pagpipiliang miyembro ng ruling party ng administrasyon
ni Pangulong Arroyo.
Una nang inamin ni Fernando ang plano nitong tumakbo sa 2010 presidential
elections bilang standard bearer ng administrasyon.
Aniya, hindi dapat maliitin ng oposisyon ang kapabilidad ng administration
party na makapaglagay ng malakas na kandidato para sa nalalapit
na election dahil sa lawak ng political machinery nito at may magagandang
plataporma.
Villar ‘di aatras
Sa kabilang dako, wala umano sa tipo ni Senate President Manuel
Villar ang umatras kapag nagdesisyon na ito.
Ito ang nilinaw ni Senador Cayetano bilang pagsuporta na rin sa
naunang ulat na si Villar na ang magiging standard bearer ng Nacionalista
Party (NP) sa 2010 presidential elections.
Ngunit nilinaw ng senador na magiging standard bearer man umano
si Villar ng NP nakakatiyak umano siyang ito’y dumaan sa isang
fair process.
Palasyo nagbigay ng tip
Bunsod sa pagkukumahog ng mga presidentiables para sa nalalapit
na presidential elctions, nagbigay naman ng tip kahapon ang Malacañang
sa mga presidential bets sa 2010 partikular kung paano mapapadali
ang pagsungkit ng mga ito sa puso ng mga botante.
Sa text message, sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Lorelei
Fajardo na kailangang may tatlong pangunahing agenda ang mga tatakbong
presidential bets at ito ay “pagbabago, pag-unlad at positibong
pananaw para sa pag-unlad ng sambayanan”.
Mga pari kinatok
Habang nagsisimulang muling umiinit ang pulitika, deretsahang pinayuhan
ng isang mataas na lider ng Simbahang Katoliko ang mga pari na nagbabalak
na pumasok sa pulitika sa darating na 2010 elections na hindi na
nila ito kailangang gawin upang makapaglingkod lamang sa taumbayan.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Catholic Bishops’ Conference
of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Canon Law Chairman
at Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, sinabi nito na hindi na kailangan
ng isang pari na pumasok pa sa pulitika upang makapaglingkod lamang
sa publiko. (Armida Rico/Tina Mendoza/Rose Miranda/ Eralyn
Prado/Irish Ann Cruz)
|