Kada pasok ng Bagong Taon, bilang mga Pinoy,
halos walang mintis na feel na feel natin ang good mood at positve
spirit na dala ng isang panibagong simula sa ano mang aspeto natin
sa buhay. At pagdating sa sports, hindi din ito nagkakaiba lalo
na para sa mga masisipag nating mga atleta na walang ginawa kundi
kumayod ng kumayod at mag-ensayo ng husto upang pagalingin
pa ang kanilang skills. At para kanino? ‘Di lamang para sa
kanila kundi pati para sa bayan.
Nitong 2009, may mga malalaking sporting events na naman na mabibigyang
pagkakataon muli ang ating mga manlalaro na mamayagpag muli.
Unahin natin ang bilyar, sa taong ito, naka-set na daw ang
World Pool Championships na dapat sa 2008 gaganapin ito, pero naunsyami
umano dahil sa mga problema sa pondo at nalitpat ng WPC at ng BMPAP
sa first quarter na lang ng 2009. Dito sa wakas makikita natin in
action ang lahat ng mga mabibigat nating mga pool stars tulad
nila Efren “Bata” Reyes, Django Bustamante, Alex Pagulayan,
Ronnie Alacno, Dennis Orcollo, at Roberto Gomez. Lahat ng mga bigating
ito ay hindi nagpakita sa World Ten Ball Championships na matagumpay
na napatakbo ng WPA at ng Raya Sports/BSCP bagama’t binoykot
ng mga BMPAP stars na sina Bata and Co.
Sa bandang katapusan din ng taon gagawin muli ang World Ten Ball
Championships kung saan tatangkaing depensahin ng Briton na si Darren
Appleton ang kanyang titulo. Aarangkada bang muli si Demosthenes
Pulpul? Lalaro na ba sina Bata?
Pero sa tingin ko, ang pinakamagandang tanong na masasagot sa bilyar
nitong taon ay kung totoo bang patay na ang 9-ball at na-ungusan
na ng 10-ball? O mas malakas pa rin ba ang 9-ball? O kaya ba nilang
parehong mag-share ng limelight? Malalaman natin ‘yan pagkatapos
mamayagpag ang parehong World Championships dito sa bansa at ang
taong bayan na lang ang huhusga at hindi ang kani-kanilang kampo
na magmamayabang, tama po ba?
Sa basketball naman, nariyan ang mga makasaysayang run na hinahabol
ng San Beda at Ateneo sa kani-kanilang liga. Ang San Beda ay hinahanap
ang kanilang unang 4-peat sa NCAA pero hindi ito magiging madali
para sa Red Lions. Wala na sa team nila ang mga lider na sina Pong
Escobal at Sam Ekwe. Kaya’t nasa balikat na lang nina Ogie
Menor at Borgie Hermida at ang pamalit ni Ekwe na si Sudan Daniels
na isang 6’8” na higante mula Amerika. Kaya pa rin ba
ni coach Frankie Lim ang pressure? Mananatili pa ba si coach
Frankie sa San Beda bagama’t may chismis na kukunin ng San
Beda si Dindo Pumaren?
Sa UAAP naman, hahabulin siyempre ng Ateneo ang kanilang pangalawang
back to back titles sa liga. Maraming nagsasabi na ‘di malayong
mangyari ‘yun dahil halos buo pa rin ang team ni coach Norman
Black. Ang nawala lang sa Blue Eagles ay sina Yuri Escueta at Chris
Tiu pero andun pa rin sina MVP Rabeh Al Hussaini, Nonoy Baclao,
Eric Salamat at Rookie of the Year na si Ryan Buenafe. At malakas
pa ang ugong na makukuha ng Ateneo ang pinaka-pinag-aagawan na high
school player na si RV Bringas ng San Sebastian. Kaya ba ng Ateneo?
Kaya pero mahirap sa tingin ko dahil handang-handa na ang DLSU sa
dami ng mga recruits din nila bagama’t nawala na din si JVee
Casio. Pero crucial para sa DLSU ay kung makukumbinsi pa nila si
Rico Maierhofer na ‘wag munang mag-PBA. Maliban sa DLSU, tingin
ko na title contender din ang FEU at isama na natin ang mga Final
Four favorites din na UE (bagama’t wala na si coach Dindo),
UST, at Adamson, at NU. Ang UP naman ay nasa rebuilding stage
pa rin naman sa ilalim ni coach Aboy Castro.
Sa mga pro player naman natin, aabangan natin ang pag-develop ng
PBA sa taong ito kung saan makikita nating magiging Burger King
ang Air21 at kung ano na ba talaga ang mangyayari sa Red Bull na
ngayong nag-resign na si Coach Yeng at tila pinamigay na nila lahat
ng magagaling nilang player.
Sa National Team naman mate-testing na si Coach Yeng Guiao sa international
stage habang dadalhin niya ang kanyang hand-picked team sa SEABA
at FIBA Asia Men’s Championships para makahakbang muli sa
kanilang goal na makalaro sa 2012 London Olympic games.
Sa boxing naman siyempre, aabangan natin ang mga laban ni Manny
Pacquiao kontra kina Ricky Hatton at malamang susunod dun sina Edwin
Valero at kung lalabas mula sa retirement, si Floyd Mayweather Jr.
Pero maliban kay Manny, mas kailangan nating pagtuunan ng pansin
ang tila papalit sa kanyang trono bilang nagdadala ng boxing para
sa mga Pinoy.
Nariyan ang mga title defense nina Nonito Donaire,
Gerry Peñalosa, at Donnie Nietes at ang paghahabol ng mga
titulo nina Bernabe Concepcion, Florante Condes, Brian Viloria,
Boom-Boom Bautista, AJ Banal, at Z Gorres.
At sa ating ibang mga atleta namang sasabak muli sa SEA Games nitong
taon sa Laos. Mauulit kaya nila ang #1 performance noong SEA Games
dito sa Manila?
O mahihirapan na naman ba tayong umusad sa medal tally gaya ng nangyari
sa Thailand?
Sa lahat ng mga events at laro ng mga big stars natin sa sports,
iisa ang kasigurhan na nakikita ko, tayong mga sports fans, ay forever
na magiging loyal sa likod nila manalo o matalo basta’t lalaban
sila ng patayan para sa bayan.
***
Sumulat sa Buzzer Beater sa tmanotoc@gmail.com
|