Naghugas-kamay kahapon ang First Family sa alegasyong
sila ang nasa likod ng sinasabing “landlord lobby” laban
sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) extension law.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokeswoman Lorelei Fajardo, na hindi
totoo ang nasabing paratang na sina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
at Pampanga Rep. Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo ang nasa
likod ng umano’y “landlord lobby” laban sa mas
magandang bersyon ng CARP tulad ng alegasyon ni Bayan Muna partylist
Rep. Satur Ocampo.
Sinabi nito na nananatiling tagasuporta ng genuine agrarian
reform ang buong First Family lalo na’t legacy ito ni dating
Pangulong Diosdado Macapagal, ama ni Pangulong Arroyo.
“President Diosdado Macapagal’s legacy was his crusade
for genuine agrarian reform. the President and her family are
committed to continuing this legacy. This accusation is untrue,”
ani Fajardo.
Kaugnay nito ay sinabihan din kahapon ng Malacañang ang Kongreso
at Department of Agrarian Reform (DAR) na gawin nang mabuti ang
kanilang trabaho pabor sa interes ng mga farmer beneficiaries ng
CARP.
Matatandaang ang First Family partikular si First Gentleman Jose
Miguel ‘Mike’ Arroyo ay nagmamay-ari ng 500 ektaryang
sugar lands sa Negros Occidental at 150 ektaryang Hacienda Bacan
sa nasabi ring lalawigan.
|