GABAY NG DIYOS

Subdivision tututukan sa droga
Nina Noel Abuel at JB Salarzon

 

Mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ilang mga subdivision sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan bunsod sa ulat na laganap na ngayon ang Canadian-style na paggawa ng shabu.


Sa isang kumperensiya kahapon, sinabi ni PDEA Dir. Gen. Sr. Usec. Dionisio Santiago, nag-iba na ng istilo ang mga sindikato ng droga sa kanilang paraan ng paggawa ng droga kung kaya’t inamin nito na medyo nahihirapan sila ngayon na lansagin ang mga ito.


Base sa kanilang moni­toring, kakaunti lamang umano ang gumagamit ngayon ng malalaking drug laboratory upang hindi mabuko ang operasyon, sa halip ay sa mga bahay-bahay na lamang gumagawa ng droga ang mga sindikatong nag-o-operate sa bansa.


Inamin din Santiago na hindi titigil sa pag­gawa ng droga ang mga sindikato kahit sunud-sunod na ang kanilang anti-drug ope­rations sa mga clandestine laboratory dahil hindi lamang naman umano sa Pili­pinas dinadala ang mga ginagawang droga kundi ibi­nebenta rin ito sa iba’t ibang bansa.


Tukoy naman umano ng PDEA ang mga lugar na dapat nilang banta­yan subalit malaking problema aniya nila sa nga­yon ay ang kakulangan ng mga tauhan.


Sa kasalukuyan, a­yon kay Santiago, ay kinukumpleto nila ang mga de­talye at impormasyon kaugnay dito kasabay ng paniniguro na hindi nila tatantanan ang pagtutok dito upang tuluyang masawata ang pagkalat ng droga sa bansa.


Sa kabilang dako, tumataginting na P4.6 mil­yong reward money ang ibi­nigay ng PDEA sa siyam na impormanteng sibilyan na nakipagtulungan sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkasawata ng tatlong malalaking illegal drug ope­rations kamakailan.


Sa seremonya kahapon na ginanap na PDEA buil­ding sa Quezon City, personal na tinanggap ng limang impormante ang reward money na itinago ang tunay na pagkaka­kilanlan para sa kanilang seguridad.


Ayon kay Santiago, ang pagbibigay ng reward ay alinsunod sa PDEA Ope­ration: “Private Eye”.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section