|
Bahagyang nagkaroon ng tensyon sa loob ng compound ng Malacañang
matapos masunog ang isang bahagi ng gusali sa loob nito kahapon
ng tanghali sa San Miguel, Manila.
Ayon kay SFO2 Emmanuel Gaspar ng Manila Fire District (MFD), nagsimula
ang sunog dakong alas-12:44 ng tanghali sa tanggapan ni Deputy Presidential
Spokeswoman Lorelei Fajardo na nasa Room 404 ng Tahanan ng Masa
Building na matatagpuan sa General Solano St., San Miguel.
Bunsod nito, naabo ang mga dokumento sa tanggapan ni Fajardo.
Wala namang napaulat na nasaktan sa sunog na nagsimula dakong alas-12:44
ng tanghali at agad din na naapula dakong ala-1:07 ng hapon.
Ayon kay Fajardo, nagsimula ang insidente nang masunog ang photocopier
sa kanilang opisina dahil sa faulty electrical wiring na mabilis
na tumupok sa mga dokumento na kinakailangan sa trabaho niya bilang
Deputy Presidential Spokeswoman at Presidential Assistant for Central
Luzon.
Umabot sa 2nd alarm ang sunog na agad ding naapula dakong ala-1:07
ng hapon dahil na rin sa maagap na pagresponde ng mga pamatay sunog.
Umaabot sa P100,000 ang halaga ng mga gamit na naabo na kung saan
kasama umano sa mga nasunog ay mga lumang “files” na
nakatago sa nasabing opisina.
|