www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 

Huwag gamitin ang krisis

 

May punto ang isang senador at isang militanteng kongresista sa pangambang baka magamit ng administrasyong Arroyo pabor sa interes nito ang global financial crisis.


Una, umaapela ang Malacañang na itigil muna ang pamumulitika at pagtuunan na lamang ng pansin ang pagharap sa ekonomiya ng bansa. Sa tono ng pananalita ng mga taga-administrasyon, nais nilang ipatigil ang pag-iimbestiga sa mga ano­malyang kinasasangkutan nito sa halip ay harapin ang ekonomiya.


Pangalawa, malapit na ang 2010 elections at malaking halaga ng salapi ang kailangan para magamit na pondo ng mga tatakbo sa ilalim ng partido ng admi­nistrasyon. Alam na naman natin kung papaanong sistemahin ng Malacañang ang eleksyon, lalo na ang istayl ng pangangalap at pamumudmod nito ng pondo para sa kanilang mga kandidato.


Hindi makatarungan para sa sambayanang Filipino na basta na lamang ipatigil ang mga imbestigasyon dahil lamang sa apela ng Malacañang. Ang layo naman ng punto kung gagamiting dahilan ang global financial crisis para magkaroon ng ‘ceasefire’ sa mga imbes­tigasyon, partikular ang Senado na siyang masigasig na kumakalkal sa mga anomalyang kinasasangkutan ng administrasyon.


Naririyan na ang mga anomalya bago pa man dumating ang krisis. Ang dapat na ipatigil ay ang paggawa ng korapsyon at mga katiwalian sa pamahalaan sa halip na pagpapatigil ng mga imbestigasyon ang ipagpilitan.


At dahil nalalapit na naman ang eleksyon, dapat bantayang mabuti ang pondo ng bayan. Partikular ang P1.4 trilyong panukalang budget ng pamahalaan para ngayong taong 2009.


Napakalaking budget ang hinihingi ng administrasyong Arroyo.

Nakakatakot na ipagkatiwala na lamang ang budget na ito sa mga taga-administrasyon lalo pa’t talamak ang korapsyon sa pamahalaan. Kung sila-sila na naman ang magpapasya kung paano gagamitin at lulustayin ang P1.4 trilyong 2009 budget baka hindi ito mapakinabangan lahat ng taumbayan.


Dapat mabantayan kung saan gugugulin ang P1.4 trilyong budget, partikular ang tinatawag na “stimulus fund” nito para sa ekonomiya ngayong taon. Baka magkaroon ng hokus-pokus sa pondong ito gaya ng ginawa sa fertilizer fund na nagamit noong 2004 election at isasangkalan na pondo para sa pagpapaunlad ng ekonomiya!

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section