Ipupursige ni Sen. Mar Roxas III ang panukalang
magsusulong ng anim na buwang suspensyon ng 12% expanded value
added tax (EVAT) sa mga produktong petrolyo sa bansa, ngayong sumirit
na sa US$100 kada bariles ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
“This month of January, we will lead the fight to get a concensus
on this legislation. Unless maipakita ng gobyerno na mas maganda
ang kanyang paggastos kaysa Juan dela Cruz, mas mabuti pa na si
Juan dela Cruz ang gumastos ng kanyang pera,” ani Roxas.
Ayon kay Roxas, chairman ng Senate committee on trade and commerce,
pumayag ang Kongreso noon na ipataw ang EVAT sa produktong petrolyo
dahil nasa US$20 hanggang US$30 lamang ang presyo ng langis kada
bariles.
“Maaari na ang VAT on petroleum products was correct at the
time when oil was $30 per barrel. Tama sa ekonomiya iyon noon, pero
when oil is at $100 per barrel, hindi na tama iyon,” diin
ng senador.
Ipinaliwanag pa niya na matatagalan pa bago bumaba ang presyo ng
langis sa world market dahil sa malaki pa rin ang demand ng Estados
Unidos sa langis.
Idinagdag pa nito na hindi dapat pinapanood lamang ng administrasyong
Arroyo ang problema ng pagtaas ng halaga ng presyo ng langis dahil
mayroon pa naman silang magagawa rito upang hindi lubusang maapektuhan
ang bulsa ng mamamayan.
“Mayroong magagawa ang gobyerno - suportahan nila itong pagbalik
ng pera ni Juan dela Cruz sa kanyang bulsa,” dagdag pa ng
senador.
Kung matatanggal ang EVAT sa produktong petrolyo, mababawasan ng
P4.76 ang presyo ng P45/litro ng unleaded gasoline samantalang halos
ganito rin ang mababawas sa premium, diesel at kerosene (gaas).
Itigil ang kalokohan
Sinabi rin ni Anakpawis partylist Rep. Crispin Beltran na malaking
kalokohan ang binibitiwang mga pahayag ng gobyernong Arroyo na wala
itong magagawa sa sumisirit na presyo ng krudo sa world market na
direktang nakakaapekto sa lokal na oil prices.
Ani Beltran, dapat na umanong tigilan ng pamahalaan ang pagpapatay-malisya
dahil kung gugustuhin ay marami itong magagawa para masaklolohan
ang sambayanan.
“Government must immediately decide and state publicly whether
it wants to help the public or remain loyal to greedy oil companies,”
anang solon.
Energy summit
Samantala, nabatid na nagpatawag na ng isang ‘energy summit’
ang Pangulo makaraang pumalo kahapon sa $100 kada bariles ang krudo.
Matapos atasan si Energy Sec. Angelo Reyes na magpatawag ng isang
pulong na lalahukan ng energy stakeholders at pinakilos din ang
naturang tanggapan na makipag-ugnayan sa Department of Trade and
Industry (DTI) at Department of Finance (DOF) upang lumikha ng mga
rekomendasyon kabilang ang posibleng pagtapyas sa taripa (tax) ng
langis.
Ilan din umano sa tinututukan ay ang pagsusulong ng paggamit ng
publiko ng alternative fuel at ang paghahanap ng Pilipinas ng iba
pang oil sources.
Nagbanta naman kahapon si Reyes sa mga kumpanya ng langis na hindi
dapat maging awtomatiko ang pag-a-adjust nila sa presyo ng kanilang
mga produkto ngayong biglang sirit muli ang crude prices sa world
market.
“The effects of the latest round of world oil price hikes
should not be felt in the Philippines until Tuesday at the earliest,”
diin ng kalihim.
Binomba rin ng babala ng militanteng Pinagkaisang Samahan ng mga
Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ang mga kumpanya ng langis
na hindi dapat samantalahin ang sitwasyon upang kumita nang malaki
sa pamamagitan ng agarang pagpapatupad ng oil price hike. Oras umanong
gawin ito ng mga oil firms ay sasalubungin nila ito ng kaliwa’t
kanang protesta.
Bilihin tataas
Kaugnay nito, nagbabala si Consumer and Oil Price Watch (COPW) chairman
Raul Concepcion na bahagyang tataas ang presyo ng langis at mga
pangunahing bilihin bilang epekto ng paggalaw ng halaga ng krudo
sa pandaigdigang pamilihan.
“All kinds of products will be affected, especially agricultural
goods. Rising prices would be inevitable this month,” deretsahang
forecast ni Concepcion.
|