Itinuturing ni Liberal
Party (LP) standard bearer Sen. Benigno ‘Noynoy’ Aquino
III na panakip ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa nagawang
pagkakamali ang paglikha ng independent body o commission na susugpo
sa private armies.
Ayon kay Aquino, itinatag ni
Arroyo ang komisyon para pagtakpan ang nagawang kasalanan sa publiko
at hindi masisi kung bakit dumami ang mga pulitikong nagtataglay
ng private armies, katulad ng pamilya Ampatuan.
Sa mahabang panahon ay nalalaman
umano ng Pangulo ang pagkalat ng mga private armies kung kaya’t
nakakatawang isipin aniyang ngayon lamang nakita ng Pangulo ito.
“Nakakapagtakang ngayon
lang natuklasan... Makukuwestyon mo talaga iyong sinseridad. Pinabayaan
nila sa mahabang panahon at sila ang nagkulang tapos sila ngayon
ang gagawa ng commission at ipapasa ang trabaho sa ibang tao,”
ani Aquino.
Kinatiyawan din ni Aquino si
Arroyo na posibleng binuo ang komisyon dahil maraming taga-oposisyon
ang nakitaan ng private armies at gagamitin ang independent body
para maresbakan ang mga ito.
“Baka mamaya puro oposisyon
pala iyong may private armies kaya binuo nila ito? Isipin mo, nagtayo
sila ng body, para di sila masisi,” ani Aquino sa Abante.
Sa pinakahuling ulat ng Malacañang
kahapon hinggil sa anti-private army body, sinabi ni Press Sec.
Cerge Remonde na ihahayag ng Pangulong ngayong linggo kung sino
ang iuupong chairman ng komisyon na lalansag sa lahat ng private
armies sa buong kapuluan.
Ngunit ipinahiwatig na rin
kahapon ni Press Sec. Cerge Remonde na isang retiradong Supreme
Court (SC) justice ang napipisil na maging pinuno nito.
|