GABAY NG DIYOS

Pondo tagilid sa eleksyon!

(Rey Marfil/Dindo Matining)

 

Nangangamba si Libe­ral Party (LP) standard bearer Sen. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na mapapakialaman nang husto ng administrasyong Arroyo ang pondo sa kaban ng bayan ngayong re-enacted ang 2010 budget sa unang buwan ng taon.

Ayon kay Aquino, madaling mapapakialaman ng Malacañang ang re-enacted budget, partikular ang mga realignment ng mga pondo, katulad sa mga nagdaang taon kung saan makailang beses naudlot ang pagpirma ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Dahil hindi napirmahan ni Arroyo ang 2010 national budget na niratsada at pinagpuyatan ng mga senador ngayong Kapaskuhan, awtomatiko aniyang re-enacted budget ang unang buwan.

Kung mauuwi sa re-enacted budget ang unang buwan hangga’t hindi napipirmahan ng Pangulo ang General Appropriations Act (GAA) of 2010, hindi malayo aniyang mailihis ang ibang pondo at gamitin sa eleksyon.
“Puwedeng ma-realign iyan for election purposes. Meron pang public works funds diyan. Eto iyong nakahiligan nilang gawin. Nakakadismaya ‘di ba?,” ani Aquino

Habang si Senate mino­rity leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., hindi kinagulat kung nauwi sa re-enacted budget ang unan­g buwan ng taong 2010 dahil sadyang nakahiligan ni Arroyo ang ganitong senaryo.
“Siguradong re-enacted budget ang unang buwan, iyan ang gusto ng admi­nistrasyon ni Gloria. Nasanay na siya diyan,” ani Pimentel.

Bilang aksyon, nagbabala si Aquino na sisilipin ng Senado ang mga posibleng realignment sa 2010 national budget kapag nagbalik-sesyon ang Kongreso ngayong Enero 18 upang mahadlangan ang paggamit nito para sa interes ng mga kandidato ng administrasyon ngayong eleksyon.

“Kailangan bantayan iyan at dapat tingnan ng Kongreso. Taun-taon na lang puro ganito ang nangyayari,” giit ni Aquino.

Sa panig ni LP senatorial candidate Bukidnon Rep. Teofisto ‘TG’ Guingona III, pinuna nito ang tila pagsabotahe upang maantala ang pagpirma sa GAA of 2010.

“Hindi tama ang prose­song pinagdaanan ng usapin tungkol sa national budget na dahilan upang magkaroon uli ang bansa ng isa na namang re-enacted budget,” ani Guingona.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section