Mahigpit na hiniling kahapon ng
mga taxi operators sa Land Transportation Franchising and Regulatory
Board (LTFRB) ang anim na buwang moratorium kaugnay ng nakatakdang
implementasyon ng pagbibigay ng resibo sa taxi sa mga pasahero ng
mga ito ngayong buwan ng Enero.
Sinabi ni Leonora Naval, presidente ng Association of Taxi Operators
in Metro Manila (Atomm), naghain na ito ng apela sa LTFRB kahapon
upang pigilin ang nasabing programa ng pamahalaan.
Iginiit ni Naval na hindi kaya ng mga taxi operators na maipatupad
ang pagbibigay ng resibo sa mga pasahero nito dahilan sa kamahalan
ng ikakabit na taxi meter receipt.
Idinagdag pa nito na dapat umanong dahan-dahang ipatupad ng LTFRB
ang implementasyon nito.
Una nito sinabi ni LFTRB chairman Thompson Lantion na sapat na ang
panahon na ibinigay nito sa mga taxi operators para makapag-ipon
upang makabili at makapaglagay ng meter taxi receipt.
Dapat ng magbigay ng resibo sa mga pasahero ang mga taxi driver
na ang plaka ng sasakyan ay nagtatapos sa 1 at 2 ngayong Enero.
Idinagdag ng opisyal na maaaring manual receipt muna ang ibigay
ng mga driver dahil may kamahalan umano ang makina na naglalabas
ng resibo.
Sa manual receipt, kailangan nakalagay ang kompanya ng taxi,
address, telephone number, at pangalan ng driver nito.
|