Inaasahang aabot sa limampung libong overseas
Filipino workers (OFWs) ang mawawalan ng trabaho ngayong taon dahil
sa paghagupit ng global economic crisis.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang nasabing
bilang ng mga OFWs na unang tatamaan ng global financial crisis
ay mula sa mga bansang Taiwan, Dubai at South Korea.
Sa ngayon, tinatayang nasa 5,000 OFWs na ang nawalan ng hanapbuhay
sa Taiwan, Dubai at South Korea at inaasahan pa ang paglobo nito
hanggang sa 50,000 sa taong ito, ayon kay DOLE Sec. Marianito Roque.
Gayunpaman, tiniyak ni Roque sa mga apektadong OFWs na makakahanap
sila ng ibang hanapbuhay sa sandaling magbalik sila
sa Pilipinas habang ang iba naman ay maaaring magsanay upang umiba
ng linya ng trabaho.
Iginiit pa ni Sec. Roque na tuluy-tuloy din ang gagawing deployment
ng gobyerno ng mga manggagawang Pinoy sa kabila ng krisis.
Sinabi pa ng kalihim na araw-araw ay nakakapag-deploy ang gobyerno
ng 3,000 manggagawa. Ang pag-akyat sa bilang ng deployment ay tumaas
ng 24 porsiyento o katumbas ng 1.3 milyon noong nakaraang taon (2008).
Sa pagtataya, ang deployment mula Enero hanggang Oktubre ay umabot
na sa 1.115 milyon o 25.5 porsiyento, mas mataas sa bilang ng mga
umaalis na Pinoy sa kahalintulad na panahon noong 2007, ayon sa
tala ng Philippine Overseas Employment Administration
(POEA).
|