Dear Senator Escudero,
Humigit kumulang na 12 taon na kaming kasal ng aking asawa, ngunit
ngayon ay naghiwalay na kami ng tuluyan. Isang taon na po kaming
di nagkikita. Pareho na rin po kaming may kinakasama at masaya sa
mga minamahal namin. Naghain ng isang annulment case ang asawa ko
sa dahilan ng “psychological incapacity”. Dalawang beses
na po ako napadalhan ng liham hinggil sa paghain niya ng kasong
ito. Ang bunso po namin ng asawa ko ay nasa pangangalaga ko. Ilang
buwan na po niyang itinigil ang kanyang sustento para sa aming bunso.
Gusto ko lang po itanong kung may tunay na may ginagawang pagdinig
(hearing) sa isang annulment case. Kailangan ko po ba na humarap
sa korte? Kung hindi po ako humarap, madedesisyunan po ba ng hukuman
ang kaso? Paghaharapin po ba kami sa hukuman ng aking asawa? Maaari
rin po ba akong humingi ng sustento mula sa aking asawa para sa
bunso naming anak hanggang sa makatapos siya ng kolehiyo, kahit
na may kinakasama na akong iba? God bless you and your family!
Gumagalang,
Kathy R. Lim
Dear Kathy,
Hinggil sa iyong unang katanungan, totoong may isinasagawang pagdinig
para sa isang kasong tulad ng annulment case. Ito ay para mabigyan
ng karampatang pagkakataon ang bawat partido na masuportahan ang
kanyang mga alegasyon, o di kaya’y masagot ang anumang alegasyon
laban sa kanya. Ang anumang testimonya na ibinigay ng isang partido
sa isang pagdinig ay itinuturing na ebidensya na magiging batayan
ng hukom sa pagbibigay nito ng desisyon sa kaso. Ang ginagawang
pagdinig ay ang siya ring nagbibigay ng pagkakataon para masiguro
ng hukom na walang sabwatan sa pagitan ng mga partido para sa agarang
pagpapawalang-bisa ng kasal, bagama’t walang legal na batayan
para rito.
Kinakailangan mong humarap sa hukuman, lalo na kung ikaw ay pormal
na ipinatawag ng hukom o di kaya’y ang iyong testimonya ay
pormal na hiningi nito. Kung ikaw ay hindi humarap sa hukuman o
di kaya’y hindi nagbigay ng testimonya ng walang dahilan,
maaaring ituring na ipinaubaya mo na ang iyong karapatang sagutin
ang anumang alegasyon laban sa iyo. Samakatuwid, maaari nang desisyunan
ng hukom ang kaso batay lamang sa ebidensyang naibigay mo o ng iyong
asawa. Ang maaaring paghaharap ninyong mag-asawa sa hukuman ay nakasalalay
sa panahong itinakda ng hukuman para sa pagbibigay mo at ng iyong
asawa ng inyong mga testimonya.
Hinggil naman sa suporta para sa inyong anak, tungkulin ng iyong
asawa na magbigay ng suporta para sa mga pangangailangan at
sa pag-aaral ng inyong bunso, ayon sa kanyang kakayahan. Hindi wasto
ang kanyang ginawang pagtigil sa pagsustento para sa inyong bunso.
Subalit ang anumang ibinibigay niya sa inyong bunso, sa pamamagitan
ng iyong biyenan at sa tuwing silang mag-ama ay nagkikita bawat
linggo, ay maaari niyang ibawas sa halaga ng suporta na tungkulin
niyang ibigay sa inyong bunso.
Francis “Chiz” Escudero
Ilakip ang inyong pangalan
at address sa inyong ipadadalang mga katanungan at mga suhestyon.
Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan ng pahayagang ito
sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port Area, Manila o e-mail
sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan ng SMS o text message
sa teleponong 0915-2974053.
|