SAN JOSE, Tarlac --- Isang 12-anyos
na binatilyo ang himalang nabuhay matapos na saksakin, sakalin at
paluin ng kahoy ng 18-anyos na bakasyunistang bakla na umano’y
nagtangkang humalay sa una sa Barangay Iba noong bisperas ng
Bagong Taon.
Ang suspek na tumalilis sa pag-aakalang natuluyan ang 12-anyos na
biktima ay kinilalang si Alvin Sarmiento y dela Peña, 18-anyos,
ng Barangay Bagbagin, Sta. Maria, Bulacan at pansamantalang nanunuluyan
sa bahay ng tiyuhin ng biktima.
Sa ulat ni Senior Inspector Ernesto Tipay, hepe ng San Jose Municipal
Police kay Tarlac PNP Provincial director, Senior Supt. Rudy Lacadin,
alas-siyete ng gabi nang makumbinsi ng suspek ang biktima na samahan
ito sa bahay kubo sa may sapa. Pagdating umano sa bahay kubo ay
bigla na lamang pinaghahalikan at ginawan ng kahalayan ng suspek
na binabae ang biktima.
Nanlaban umano ang biktima ngunit sinaksak pero nagawa pa ring makapuslit
subalit nahabol pa rin ng suspek dahilan upang sakalin at paluin
ito ng kahoy hanggang sa tuluyang nawalan ng malay-tao.
Sa pag-aakalang patay na, tinangay pa ng suspek ang Nokia 1100 na
cellphone ng biktima na dumulog naman sa pulisya at ipinagbigay-alam
ang pangyayari dahilan upang matimbog ang syoke.
|