THURSDAY, JANUARY 03, 2008
 
 
 
 
 
Ba’t sabik sa 2010?

 

Bakit nga ba parang napakaaga yatang pinag-uusapan ngayon ang 2010? Pagpasok pa lang ng taong ito ay dito na agad nakatutok ang atensyon ng iba, lalo na ng mga pulitikong may ambisyon sa idaraos na eleksyon, dalawang taon mula ngayon.


Sa ganang amin, tila nga napakaaga ng paglipad ng isip natin sa 2010. Marami pa ang pwedeng mangyari. At itong mga pulitikong maagang pumuposisyon, marami pang dapat patunayan sa taumbayan.


Sobra-sobra na ang pagkadala ng tao sa pambobola ng mga pulitiko. Lahat ay magagaling sa panahon ng kampanya pero oras na maupo, panay kabuktutan at pagpapahirap sa taumbayan ang ginagawa. Sandaling panliligaw sa atin, anim na taong kalbaryo.


Kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay aabot pa ng 10 taon dahil ang unang apat na taon ng kanyang pag-upo ay bahagi pa ng termino ni dating Pangulong Joseph Estrada na kanyang sinalo.


Aahh...isa siguro rin ito sa mga elemento ng kasabikan sa 2010. Ito kasi ang katapusan ng termino ni Pangulong Arroyo.


Kung titingnan natin ang naglalabasang survey, sa napakababang rating ng nakaupong Pangulo, sa napakasamang markang ibinibigay ng sambayanan sa klase ng kanyang pamumuno, sa napakaruming track record ng kanyang gobyerno, masasabi nating malaking bahagdan ng populasyon ang naghahangad na magpalit na ng nakapuwesto sa Malacañang.


Hindi pinag-uusapan dito ang pulitika. Simpleng pag-aanalisa lang sa kalagayan ng mga Pinoy sa ngayon. Nakakalumpo ang presyo ng langis. Magtataasan pa ang singil sa mga utilities tulad ng tubig. Syempre, kabuntot na nito ang presyo ng mga bilihin. Magbabaklasan pa raw ng empleyado sa gobyerno habang nakapako pa rin ang sweldo ng iilang maswerteng may trabaho.


Pati OFWs at exporters ay nasagasaan dahil bumabagsak ang dolyar. Lumalakas ang piso pero hindi ito nararamdaman ng tao. Kaliwa’t kanan ang kurakot at eskandalo. Kung makalustay pa ng pera ay parang hindi nakikita ang pagkagutom at paghihikahos ng mga mamamayan.


Wala namang maialok na solusyon sa problema ng taumbayan dahil sa tingin ng gobyernong Arroyo ay umaasenso ang Pilipinas. E, mukhang sila lang ang naaamutan ng asensong ito!


Ilan lang ‘yan sa mga dahilan kung bakit sabik na sa 2010 ang mga Pinoy.


Pero sana, sa pagbaba ng nakaupo ngayon, matuto na tayo. Maging maingat na tayo sa pagpili ng susunod na uupo sa palasyo. Iyong may konsensya. Iyong may pagmamahal sa Diyos, sa bansa at sa kapwa! Dito mag-uugat ang isang maayos at matuwid na pamamalakad sa Pilipinas.

 
 
 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section