www.abante-tonite.com
FRIDAY, JANUARY 04, 2008
 
 
 
 
SUPERLOTTO 6/49 DRAW

January 03, 2008

44-27-33-36-12-23

P60,918,285.60

6-DIGIT 6-5-9-8-34

3-DIGIT 4-3-1

2-DIGIT 30-02

 
KALKAL-ABO
Kahit sinakmal na ng trahedyang New Year fire ang mga residente ng Parola Compound, Tondo, Manila, tuloy pa rin ang buhay para sa kanila. Ang mga batang ito ay kumikita pa sa pagbebenta ng mga sunog na bakal at yero. Isa lamang ito sa magagandang katangian ng mga Pinoy: ang mabilis na pag-ahon sa pagkakalugmok anuman ang mangyari. (Carlito Arenas)
BA’T TAKOT KAYO SA’KIN? -- ERAP
Ulat ng ABANTE REPORTORIAL TEAM

Sa gitna ng kaliwa’t kanang ugong ng pagtakbo diumano ni dating Pangulong Joseph Estrada sa 2010 presidential elections, natatawa na lamang na sinabi ng dating pangulo na hin­di niya maunawaan kung bakit marami ang natatakot sa muli niyang pagkandidato.


“Bakit sila matatakot? Wala naman akong intensyong tumakbo,” ani Estrada.


Ang dating pangulo na mismo ang nanawagan sa kanyang sariling kampo at ilang kaalyado sa opposition bloc na tigilan na ang espekulasyon na tatakbo siya sa pampanguluhang halalan dalawang taon mula ngayon.
Buwelo para kay Jinggoy?


Ngunit maliban pa sa mga ugong na ito, partikular sa pinalagan ni Estrada ang pahayag ni dating Senate President Franklin Drilon na isang ‘ploy’ o pakulo lang ang pagpapalutang ng presidential bid ng dating pangulo dahil sa huli ay lulutang ang tunay na ‘gameplan’ at ito ay ang pagbi-bise presidente ni Senate President Protempore Jinggoy Estrada kay Senate President Manny Villar na siyang tutuloy sa presidential race.


Kung hindi naman ito mangyayari, tutuloy sa presidential race ang matandang Estrada, ka­tambal si Villar bilang bise presidente. Ipapaloob umano rito ang kasunduang tatlong taon lang manunungkulan ang matandang Estrada at ipagpapatuloy na ni Villar ang natitirang tatlong taon bilang pangulo. Sa puntong ito ay papasok na kapalit ni Villar sa puwesto ng pagiging bise presidente ang batang Estrada.


Ngunit para mangyari ito ay kailangang maihalal na Senate president ang batang Estrada upang siya ang awtomatikong maupong bise presidente pag-alis ng kanyang ama sa pagka-pangulo na papalitan naman ni Villar.
Speculation lang ‘yan!


Ipinagkibit lang ng balikat ng dating pangulo ang senaryong inilatag ni Drilon at sinabing paano mangyayari ito gayong idineklara na niya na hindi siya tatakbo sa 2010.


“Ni hindi namin pinag-uusapan ‘yan. That’s pure speculation,” reaksyon pa ng dating pangulo sa paglutang ng pangalan ng kanyang anak (Jinggoy) sa 2010 elections.


Mismong ang batang Estrada ay nagpasinunga­ling sa naturang ulat. “Hindi ako tatakbo sa vice presidential elections, reelection ang gusto ko,” anang senador.


Maging solid ang
oposisyon


Muli namang binigyan-diin ni Estrada na ang tanging hangad niya ay mapagbuklod ang solidong oposisyon sa 2010 at masiguro ang panalo nito laban sa ikakasa ng administrasyon.


Nilinaw rin nitong muli na hindi pamumulitika o anyo ng pangangampanya ang pag-iikot niya at pagbibigay ng munting ‘token’ at serbisyo sa mahihirap na barangay. “I am not politicking...I’ve been going around thanking the people for their support,” ani Estrada.


Takot talaga sila


Samantala, sinegundahan naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, isa sa mga na­ging abogado ni Estrada sa plunder case, ang pahayag ng huli na natatakot lamang ang mga makakalaban ni Estrada sa 2010, unang-una na rito ang Malacañang.


Hindi umano maikakaila na napanatili ng da­ting pangulo ang kanyang karisma sa masang Filipino at walang dudang ito pa rin ang ‘man to beat’ oras na sumabak sa 2010 elections.


Ngunit para kay Da­vao City Rep. Prospero Nograles, ang pagpapalutang sa Estrada candidacy ay maituturing umanong isang “palabas na walang direksyon”.


Desisyon pa rin ng mayorya


Bukas naman ang minority bloc ng Kamara sa ideya ng pagbabalik-pulitika ni Estrada ngunit nilinaw ni CIBAC partylist Rep. Joel Villanueva na ang kampo ng dating pangulo ay isa lamang sa napakaraming paksyon ng buong oposisyon.


Bagama’t respetado umano nila ang anumang magiging pasya ni Estrada, ang mayoryang oposisyon pa rin umano ang magpapasya kung sino ang dadalhing official candidate sa 2010.


Basag kay Erap


Taliwas naman sa pahayag ng dating pangulo na ang tanging intensyon niya ay pagbuklurin ang solidong oposisyon para magsulong ng iisang kandidato sa 2010, naniniwala si Sen. Richard Gordon na ang pagtakbo ni Estrada sa presidential race sa nalalapit na halalan ay babasag sa oposisyon.


“If Erap runs, that would divide the opposition,” anang senador.
Ito ay bunga na rin ng maagang pagposisyon ng iba pang presidential aspirants ng iba’t ibang partidong kabahagi ng oposisyon tulad nina Villar ng Nacionalista Party (NP) at Sens. Mar Roxas ng Liberal Party (LP), Loren Legarda ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at Panfilo Lacson.


‘Wag na lang


Mayroon namang ‘unsolicited advice’ si Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz kay Estrada, “’Wag ka nang tumakbo.”


Hindi umano maitatatwa na malaki pa ring bahagi ng populasyon ang hindi pa nakakalimot sa tunay na dahilan ng pagkakapatalsik ni Estrada sa kapangyarihan na pinagtibay pa ng hatol dito ng Sandiganbayan sa plunder case.


Bukod dito, sinabi ng obispo na guguluhin lamang umano ng dating pangulo ang matahimik na niyang buhay oras na muling pumalaot sa pulitika. (JB Salarzon/Eralyn Prado/Boyet Jadulco/Juliet de Loza)

 
 
EXCHANGE RATE

(As of 5:17 PM)

US Dollar 41.09

Bahrain Dinar 109.42
Euro 60.39
HK Dollar 5.26
Japan Yen 0.37

Saudi Riyal 10.96
S’pore Dollar 28.64
Taiwan Dollar 1.26
UAE Dirham 11.19

UK Pound 81.26

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section