Ipinalabas na ng pamahalaan ang polisiya para
sa total deployment ban ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs)
sa mga bansang Nigeria, Iraq, Afghanistan at Lebanon.
Sa panayam sa Malacañang, sinabi ni Labor Secretary Arturo
Brion na kung dati ay itinigil lamang nila ang pagproseso para
sa deployment ng mga OFWs sa mga nasabing bansa, ngayon ay opisyal
na nilang ipinapatupad ang total ban dahil sa napagkasunduang polisiya
hinggil dito katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA).
“Meron na tayong ilalabas na bagong, in place na ang
policy, ilalabas natin formally ang ating ban on deployment to four
countries: Nigeria, Lebanon, Iraq and Afghanistan. Hindi na tayo
nagpapadala ng OFWs sa mga bansang ‘yan. This is the best
measure for protection that we can have now because our workers
are really at risk when they go to these places,” ani Brion.
Ang matinding kaguluhan sa mga nasabing bansa ang dahilan ng total
ban at wala aniyang kasiguraduhan kung kaylan ito ili-lift, ayon
pa kay Brion.
Samantala, iniutos kahapon ng Malacañang ang agarang pagpapauwi
sa labing-walong Filipino seamen na nakatakas mula sa isang oil
tanker na sinalakay ng mga militanteng grupo sa bansang Nigeria
kamakailan.
|