www.abante-tonite.com
THURSDAY, JANUARY 03, 2008
 
 
 
MEGA LOTTO 6/45 DRAW

January 02, 2008

01-36-05-24-35-30

P33,570,111.60

4-DIGIT 4-2-1-2

3-DIGIT 5-6-9

3-DIGIT 23-27

 
GA-HIBLA
Masasabi ngang pinag-adya ang mga sanggol sa Neonatal Intensive Care Unit (NICU) ng Dr. Jose Reyes Memorial Medical Center nang himalang walang mahagip sa kanila ng ligaw na balang tumagos sa naturang ward noong kasagsagan ng pagsalubong sa 2008. (Carlito Arenas)
ERAP HANGGANG VP LANG!
Nina ROSE MIRANDA, JULIET DE LOZA, ERALYN PRADO, JB SALARZON at BOYET JADULCO

Mas gusto ng Malacañang na tumakbo na lamang sa mas mababang posisyon si dating Pangulong Joseph Estrada kaysa su­mabak sa pampa­nguluhang bakba­kan sa 2010.


Isinatinig ito ng palasyo sa gitna ng kaliwa’t kanang pambubuyo ng mga taga-oposis­yon kay Estrada na tumakbong muli sa pagka-pangulo sa susunod na halalan upang mabawi nito ang tungkulin at kapangyarihang ‘ninakaw’ sa kanya sa proseso ng impeachment na idinaan sa People Power o EDSA 2.


Ayon pa kay chief presidential legal advi­ser Sergio Apostol, walang problemang legal na kakaharapin si Estrada kung sa mas mababang puwesto ito tatakbo (tulad ng vice presidential post) dahil malinaw umanong nakasaad sa Saligang Batas na hindi na maaaring kumandidatong muli sa pagka-pangulo ang isang na­ging halal na pangulo na, natapos man nito o hindi ang kanyang mandato.


Ipinaalala rin ni Apostol sa dating pangulo na bahagi ng ipinangako nito, kapalit ng presidential pardon na iginawad ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang hindi na pagtakbong muli sa presidential elections.


Umapela rin ang opis­yal sa mga kaalyado ni Estrada na tigilan na ang pambubuyo sa kanilang lider at hayaan itong magpasya para sa sarili.
Nauna nang sinabi ni Apostol na dahil salita lamang ang pangakong hindi pagsabak sa presidential race ay maaari itong bawiin ni Estrada, ngunit iba naman ang pahayag kahapon ni Press Sec. Ignacio Bunye na nagsabing ‘selyado’ ang pangakong ito ni Estrada at malinaw umanong isa ito sa mga kondisyon ng tinanggap niyang pardon mula sa Pangulo.


“There are conditions set to the pardon, the thing speaks for itself...He (Estrada) affixed his signature,” ani Bunye.


Sa kabila nito, tikom ang bibig ng kalihim kung babawiin din ng palasyo ang pardon kay Estrada oras na sumabak ito sa 2010 presidential race.
Samantala, sinang-ayunan naman ni Justice Sec. Raul Gonzalez ang pahayag ni Apostol hinggil sa diskwalipikasyon ni Estrada na mu­ling maghangad na makabalik sa trono ng Malacañang sa pamamagitan ng isa pang eleksyon.


Malinaw umanong nakasaad sa Section 4, Article 8 ng Revised Penal Code na hindi maaa­ring tumakbo ang naging pa­ngulo na ng bansa para sa parehong posis­yon. Ma­ging sina dating Pa­ngulong Corazon Aquino at Fidel Ramos ay binabarahan din ng probisyong ito ng Konstitusyon.


Bukod pa ito sa ‘guilty verdict’ na iginawad kay Estrada sa kasong plunder

. Hindi umano nakasama sa ipinagkaloob na pardon ang bahagi ng hatol ng korte na habambuhay na nagbabawal sa dating pa­ngulo na umokupa sa alinmang pampublikong posis­yon.


Ngunit kahapon ay sinabi ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, spokesman at na­ging abogado ni Estrada, na malaki ang tsansang sumabak sa 2010 presidential derby ang dating pangulo.


Ibinase ni Rodriguez ang opinyon sa pahayag ni Estrada na maaari siyang mapwersang sumabak sa nalalapit na pampanguluhang halalan kung hindi magkakasundo ang hanay ng oposisyon na maglagay ng iisang kandidato para sa pinakamataas na posis­yon.


“He already announced he is not going to run, but with this kind of situation the opposition might lose, he would like the opposition to be in power,” ani Rodriquez.


Kumpiyansa rin ang solon na walang hirap na mababawi ng dating pa­ngulo ang kanyang trono sa palasyo oras na magpasya itong tumakbo. Ngunit kung mangyayari ito, sinegundahan din ni Rodriguez ang posibilidad na ‘term-sharing’ o panu­nungkulan lamang ni Estrada nang tatlo at kalahating taon upang ibigay sa mahahalal na bise presi­dente ang natitirang mga taon para pamahalaan ang bansa na nauna nang inilutang ni San Juan Mayor JV Ejercito, anak ni Estrada.


Ngunit mahigpit naman itong itinanggi ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, isa pang anak ng dating pangulo.


“I don’t think it’s possible,” anang batang Estrada.


Hindi naman ikinabahala ng Nacionalista Party (NP) ang paglutang muli ng pangalan ni Estrada sa 2010 presidential elections o ng iba pang kandidato.


“It’s too early for anyone to speculate on the 2010 elections. There are too many imponderables and variables to make a decent comment on the matter. Anything said at this point in time is just idle talk and gossip,” diin ni dating Cavite Rep. Gilbert Remulla, aktibong miyembro ng lapian.

 

 
 
EXCHANGE RATE

US Dollar 41.18

Bahrain Dinar 109.86

Euro 60.49

HK Dollar 5.28

Japan Yen 0.36

Saudi Riyal 11.03

S’pore Dollar 28.59

Taiwan Dollar 1.26

UAE Dirham 11.21

UK Pound 81.70

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section