Para sa ating mga Pilipino,
na ang kultura ay mas tumutugma sa taga-Kanluran kaysa sa Silangan
kung saan nakalugar ang Pilipinas sa mapa ng daigdig, ngayon ang
ikalawang araw ng bagong taong 2008. Para naman sa mga taga-Silangan,
na ang sinusunod na kalendaryo ay nakasalalay sa buwan, sa ika-7
pa ng Pebrero mag-uumpisa ang Taon ng Dagang Lupa (Bakit? May daga
bang lumilipad o lumalangoy? Itanong n’yo sa feng shui
master.)
Ang taon ng daga ang siyang unang taon ng isang labindalawang serye
ng mga taon, na ang bawa’t isa ay ipinangalan ayon sa mga
hayop na nagsidating sa patawag ng dakilang nilikha, ayon sa kultura
at paniniwala ng mga taga-Silangang Asya, partikular ang mga Tsino. Nagtawag
daw si Buddha at ang unang dumating sa mga hayop ay ang daga, kaya’t
ito ang unang taon sa bagong serye ng kapalaran ng daigdig.
Kaya nga ba’t ang wika ng mga feng shui master, ang taong
ito ay taon ng pagbabago, pagkakataon upang baguhin ang sarili matapos
mapagmasdan ang mga pagkakamali ng nagdaang labindalawang taon na
nag-umpisa noong 1996. Matatandaang umaasenso ang ating ekonomiya
noon, at sa wika nga ni Pangulong FVR na siyang namumuno nung panahong
iyon, isa na tayong “tiger” economy. Nguni’t
biglang nagkaroon ng Asian recession, at bagama’t hindi lumagapak
ang ating ekonomiya tulad ng nangyari sa Thailand at iba pang
bansa, dahan-dahan namang lumubog ang ekonomiyang ito. Magpasa-hanggang
ngayon, hindi pa tayo nakakabangon, kaya’t gipit pa rin ang
karamihan, at patuloy ang paglikas ng maraming mga Pinoy dahil sa
kakulangan ng oportunidad dito sa sariling bayan.
Ano ang mga aral na dapat napulot, o dapat pulutin, sa nagdaang
labindalawang taon? Babanggit lang ako ng ilan. Una, na
hindi maaring magtagumpay ang isang bansa kung hindi magbabago ang
mga mamamayan, simula na sa namumuno. At ang pagbabagong iyan
ay nagmumula sa konsepto ng tama at mali -- iwasan ang mali
at baguhin ito, samantalang pagyamanin at itaguyod ang siyang tama. Sa
wikang Ingles, ang lahat ay dapat magsimula sa “moral law”. Kung
nangungurakot, tigilan. Kung patuloy sa pangungurakot, tanggalin
at palitan. Ang mali ay labanan; ang mali ay iwasto.
Pangalawa, na hindi maaring i-asa ng isang bayan ang kaligtasan
sa iba. Hindi maaring umasa na lamang tayo sa mga oportunidad
sa labas ng bansa, gaya ng paglikas at maging OFW. Tingnan
ninyo ang nangyari sa atin. Nagpakabayani ang mga OFW, at siyang
halos tanging sumalba sa ating ekonomiya, nguni’t dahil sa
dami nila, at sa laki ng kanilang pinadadala sa bansa, lumakas ang
piso, mula sa 48 noong 1996, humina hanggang sa 56 pa nga noong
2003, at ngayon ay 41 at palakas pa. Sa madaling salita, dahil
walang tinatawag na internal equilibrium ang ating bansa, at kinailangang
umasa sa oportunidad sa labas, rumipeke ito mismo sa mga “bagong
bayani”, sa mga exporters, na siyang pang naapektuhan ng husto
dahil mas maliit ang kita nila sa salaping piso. Tinutulungan
ang sariling bayan, nguni’t sila pa rin ang napasama. Ano
ang aral dito? Palakasin ang sariling pambansang ekonomiya,
at huwag sa labas na palagi umaasa.
Pangatlo, pagyamanin ang biyaya sa atin ng Diyos, ang ating tinatawag
na natural resources -- ang lupa, ang dagat, ang likas na kagandahan
at likas na yaman.
Bakit kinakailangang mag-angkat ng bigas at mais, ng mga gulay,
ng karne, ng isda, ng halos lahat ng pagkain? Paanong tatatag ang
isang bansa kung ang mismong isinusubo sa bibig ng taongbayan ay
binibili sa iba, at ang ipinambibili ay pawis ng OFW? Maari
ito bilang panandaliang lunas, nguni’t dalawampu’t taon
nang umaasa na lang tayo sa katas ng Saudi, Singapore, Hapon,
USA, Europa, Hong Kong, at buo na yatang daigdig, samantalang labindalawang
taon na tayong padami ng padami ang inaangkat na batayang pangangailangan,
tulad ng pagkain, damit at lahat na.
Huwag na nating ihambing ang sarili sa Amerika, Europa at iba pang
mayayaman. Masyado na silang malayo. Sa Thailand na lamang,
na noong dalawang dekada lamang na nagdaan ay humirit nang husto
ang ekonomiya at napag-iwanan tayo, samantalang pantay lang tayo
nung panahon ni Marcos, at asenso pa nga tayo noong dekada 70. Ano
ang sikreto nila? Ang tatlong binanggit ko. Pagsasagawa
ng tama na siyang pinagmumulan ng kanilang pagmamahal sa bansa. Umasa
sa sarili at hindi sa labas. At sagana sa sariling pagkain,
at sa pagpapalago ng turismo batay sa likas na kagandahan. (Mismong
lanzones at maging sampalok, ina-angkat na natin sa Thailand!)
Hindi magkalayo ang laki ng Pilipinas at Thailand. Nuong 1984,
na dalawang siklo na ng lunar calendar, lamang lang tayo ng ilang
milyon sa dami ng populasyon kaysa sa kanila. Ngayon, 90 milyon
na tayo, samantalang sila’y 67 milyon pa lamang. Bagama’t
magkasing-ganda ang bansa, 15 milyong turista ang dumadayo
sa kanila taun-taon, samantalang tayo ay masaya na kung umabot sa
3 milyon. Pero noong 1984, pareho lang tayo sa turismo. Natulog
tayo sa pansitan, samantalang sila’y umalagwa sa nagdaang
dalawang serye ng tig-labindalawang taon. Nadapa sila noong
1997, kung kailan sadyang nagkagulo-gulo ang kanilang ekonomiya,
nguni’t nakabangon sa loob lamang ng apat na taon, at ngayon
ay tumatag na muli. Bumagsak din ang baht hanggang 54 noong
1997 at 1998, ngunit ngayon ay 34 sa dolyar. At sagana sa pagkain,
may hanapbuhay ang mga tao sa sariling bayan.
Ang Taon ng Dagang Lupa ay taon ng pagbabago. Nguni’t
ang pagkakataon ay mabilis maglaho. Kung hindi natin sasamantalahin
ang pagkakataon, mabilis itong lalaho. Gaya ng kasabihan ng
aking yumaong lolo na palaging binabanggit ng aking ina sa amin
-- “dito sa Pilipinas, kapag umuulan, sumahod ka na ng tubig,
dahil sa susunod na iglap, mawawala ang ulan”.
Uulitin ko -- taon ito ng pagbabago. Kung walang pagbabago,
labindalawang taon na naman ng kapus-kapalaran.
(banayo_at@yahoo.com)
|