Malaki ang
ibinaba ng bilang ng mga firecrackers/fireworks-related injuries
sa buong bansa.
Kahapon ay masayang ibinalita ni Health Sec. Francisco Duque
III na bumaba nang 46% ang bilang ng mga biktima ng paputok ngayong
taon kumpara noong nakaraang salubong ng Bagong Taon.
Naniniwala ang kalihim na naging epektibo ang estratehiya nila ng
kampanya ng pananakot sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga posters
ng ‘malalagim na litrato’ ng mga nasabugan ng paputok
sa public places.
“The effective strategy was showing the public the horrors
of losing their limbs and possibly their lives. It had contributed
to our strong advocacy against the use of fireworks during this
holiday season,” ani Duque.
Batay sa datos ng National Epidemilogy Center (NEC) ng Department
of Health (DOH), simula noong Disyembre 21 hanggang kahapon (Enero
1) ay umaabot lamang sa 439 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok
o mga firecracker-related injuries.
Ito’y malaking kaliitan umano sa 831 kaso sa pagsalubong sa
2007 noong nakaraang taon.
Nabatid na 72% ng disgrasya sa paputok ay naitala sa Metro Manila
o kabuuang 390 cases. Bahagi nito ay ang 50-kataong
nadale sa Quezon City.
Sa rekord naman ng Philippine National Police (PNP), umaabot sa
59% ang ibinaba ng bilang ng trahedyang dulot ng paputok. Ito’y
base umano sa 15-day monitoring period na kanilang inilatag sa buong
bansa.
“Overall the celebration of the Christmas and New Year season
all over the country was generally peaceful, with a marked improvement
in the number of accidents,” ayon kay newly-installed PNP
spokesman Sr. Supt. Nicanor Bartolome Jr., sa isang press briefing
kahapon sa Camp Crame.
Samantala, sa kabila naman ng maigting na kampanya ng PNP laban
sa pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa taon ay umabot naman
sa 11 disgrasya sa stray bullet o ligaw na bala ang naitala sa kasagsagan
ng pagdiriwang.
Gayunpaman, pinakamababa pa rin ang rekord na ito na mas maliit
nang 72% kumpara sa 40 kaso noong 2006 at 34 naman noong 2005.
Idinagdag pa ni Bartolome na sa 11 disgrasya sa ligaw na bala, 10-kataong
nasugatan dito ay nagmula sa iisang bahay na tinagusan ng tingga.
|