Unang araw
pa lamang ng bagong pasok na taong 2008 ay tumanggap na ng seryosong
babala si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ang buong administrasyon
nito mula sa isang mataas na lider ng Simbahang Katoliko
.
Sa anyo ng warning ay sinabi ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar
Cruz na kailangang magpakita ng pagbabago at lehitimong mga hakbangin
ang Pangulo upang ituwid ang mga nagdaang pagkakamali at masupil
ang pangunahing sakit ng kasalukuyang pamahalaan: ang corruption.
Kung hindi umano magbabago at magmamatuwid mula sa kasamaan at imoralidad
ang kasalukuyang pamahalaan, lalo na sa kaliwa’t kanang
anomalya at atraso sa bayan noong 2007, hindi malayong ang
pumasok na taong 2008 ay maging taon ng pagpalag at pag-aaklas ng
sambayanang Filipino.
Anang Obispo, hindi parating mananahimik at magpaparaya ang mga
Filipino sa imoralidad ng gobyerno lalo pa’t direkta itong
nakakaapekto sa kanilang buhay.
Bagama’t totoo umanong matatag sa kahirapan at sadyang
matiisin ang mga Pinoy, oras na masagad ay sumasabog din ito
at ito diumano ang dapat na katakutan ng gobyernong Arroyo.
“I think 2008 will be a significant year. A lot of people
will be participative of the democratic processes because there’s
a limit to how far you can go naman against sa citizens eh. ‘Pag
sinobrahan mo mag-aaklas ‘yan. I’m talking also
of EDSA 1 and 2. Resilient s’ya pero they know how to fight
back. They’ll find ways and means to make both ends meet but
they are not cowards,” ani Cruz.
Halos ganito rin ang panawagan kahapon ni Sen. Panfilo Lacson sa
Pangulo nang himukin niya itong tigilan na ang pangungurakot sa
kaban ng bayan upang sa gayon ay makaukit pa ito ng ‘legacy’
sa natitirang dalawang taon sa puwesto.
Ito ang isa sa tatlong New Year’s wish ni Lacson sa Pangulo.
Ang dalawa ay sana naman ay magpakatotoo na ito at maging maingat
sa lagay ng kanyang kalusugan.
“Para kay GMA, isang kalinawan ng pag-iisip na mag-iwan ng
makabuluhang legacy para sa bansa, maging totoo hindi lamang sa
sarili niya kundi higit sa lahat para sa mamamayang Pilipino,
tigilan at pigilan ang pangungurakot sa kaban ng bayan at sana ay
manatiling malusog, malakas at malayo sa sakit,” ani Lacson
sa panayam ng Abante.
Sa nakalipas na taon ay nabulabog ng eskandalo ang administrasyon
ni Gng. Arroyo matapos mabunyag ang kickback ng kanyang asawang
si First Gentleman Jose Miguel Arroyo kung natuloy ang overprice
contract ng ZTE Corp. ng China para sa National Broadband Network
(NBN) project na nagkakahalaga ng $329 milyon.
Nang malagay sa bingit ng pagpapatalsik sa puwesto sa pamamagitan
ng impeachment complaints sa Kamara, nagbigay ng tig-P 500,000 ang
Malacañang sa 189 kongresista at 40 gobernador na ayon kay
Lacson ay maaaring galing sa anti-insurgency fund ng Philippine
National Police (PNP) o mula sa construction magnate na binayaran
ng gobyerno kamakailan.
Bukod dito, nanalangin din si Lacson na sana’y maramdaman
na ng taong bayan ang ipinagmamalaki ng pamahalaan hinggil sa paglago
ng ating ekonomiya noong nakaraang taon.
“Para sa bansa ay isang makatotohanan at kapakipakinabang
na magandang ekonomiya na ipinapangalandakan ng Malacañang,
tunay at nararamdaman ng pangkaraniwang Filipino at hindi ng malalapit
lamang sa Palasyo,” dagdag ng senador.
Sa kabilang dako, ang pagbibitiw naman ni Arroyo sa puwesto ang
pangunahing hangad ni Senate minority leader Aquilino Pimentel
Jr., para sa Pangulo ngayong taon.
“Sana mag-resign na si Gloria at magkaroon ng kapayapaan sa
bansa,” ani Pimentel.
Ngunit sa kabila ng mga indibidwal na hangarin ng ilang opposition
senators, mahigpit namang itinanggi ni United Opposition (UNO) spokesman
Atty. Adel Tamano ang mga ulat na paiigtingin diumano ng kanilang
hanay ang destabilization activities laban sa pamahalaang Arroyo.
“Wala naman akong naririnig na ganyan sa pag-uusap n gaming
mga lider,” paniniyak ni Tamano.
|