Bukod sa nawalan na ng moral authority na pamunuan
ang bansa dahil sa umaatikabong alegasyon ng katiwalian at korapsyon,
nawala na rin umano ang legal basis ng panunungkulan ni Pangulong
Gloria Arroyo kung kaya't wala nang dahilan para manatili pa ito
sa kanyang puwesto, ayon sa nagkakaisang tinig ng 47,000-kasapian
ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Sa isang press conference na ginanap kahapon sa IBP Building sa
Julia Vargas sa may Ortigas Center, Pasig City, muling nagpahayag
ng solido at nagkakaisang tinig ang mga abogado para sa mapayapang
pagbaba sa puwesto ni Arroyo upang maiwasan umano ang posibleng
pagdanak pa ng dugo.
"We demand that Pres. Gloria Macapagal-Arroyo immediately resign...for
betrayal of public trust, graft and corruption, and culpable violation
of the Constitution," deklara ng IBP sa pamumuno ni Atty. Feleciano
Bautista.
Ayon sa mga abogado, sagad na umano ang pambababoy ng Pangulo sa
Konstitusyon partikular ang Section 3 (g) ng Republic Act 3019 o
ang tinatawag na Anti-Graft Law.
Anang grupo, hindi sapat na dahilan ang pagkansela ni Arroyo sa
kontrata ng napakabahong $329 milyong broadband project upang maabsuwelto
siya katiwalian at kawalan ng moral authority nang aminin nitong
nakarating na sa kanyang kaalaman ang tungkol sa iregularidad ngunit
itinuloy pa rin nito ang pagpirma sa kontrata.
|