www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

PRO-TRUTH ANG PUP
Ganito katindi ang suportang nakuha kahapon ni NBN-ZTE witness Jun Lozada mula sa mga estudyante ng PUP. (Carlito Arenas)

 

STUDENT WALKOUT DAY
(JLoza/ARico/NFerriol/EPrado/JGuzman/NMarasigan)

 

Tinatayang 50,000 estudyante ang magwo-walkout ngayong araw sa kani-kanilang klase para magmartsa patungong Makati City upang makilahok sa 'interfaith prayer rally'.


Bitbit ng libu-libong estudyante ang paninindigan para sa katotohanan at upang isulong ang pagpapababa kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa puwesto.


Pangungunahan ng Youth Revolt ang pag-aaklas ng mga mag-aaral mula sa iba't ibang malalaking unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila.


Ayon kay Mark Louie Aquino, tagapagsalita at convenor ng Youth Revolt, solido umanong naniniwala ang mga kabataan sa katotohanang ibinunyag ni NBN-ZTE witness Rodolfo Noel 'Jun' Lozada Jr. at para sa kanila ay sapat na ang mga nailatag na katotohanan upang hilingin ang pagbaba sa puwesto ni Arroyo.


Mula sa kani-kanilang mga silid-aralan ay magmamartsa ang mga mag-aaral patungong Makati City upang makilahok sa interfaith prayer rally mula alas-singko ng hapon hanggang alas-otso ng gabi ngayon.


Umapela rin ang Youth Revolt sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na manindigan na para sa katotohanan at makiisa sa lumalawak na sigaw ng sambayanan na, "Gloria resign."


Ayon naman kay Makati Mayor Jejomar Binay, inaasahang aabot sa 50,000 estudyante ang makikilahok sa pinakamalaking 'rally for truth' ngayong araw. Ito ay makaraang magpaabot ng pagdalo sa interfaith prayer rally ngayong hapon ang mga mag-aaral mula sa De La Salle University (DLSU), Ateneo de Manila, University of the Philippines (UP), Polytechnic University of the Philippines (PUP), University of the East (UE), University of Makati at iba pang kolehiyo at pamantasan.


Gov't teachers, transport groups sama rin


Tiniyak din ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), isang grupo ng mga pampublikong guro, na lalahok sila sa pagtitipon sa Makati ngayong araw.

Ang pagkilos ng mga government teachers upang makiisa sa paghahanap ng katotohanan at pagbabago ay sinimulan sa isang misa kahapon sa St. Peter Parish Church na sinundan ng 'candle lighting'. Ito ay may temang "Teachers Act Now for Truth, Justice and Change."


Samantala, libu-libong kaalyadong bus, jeep at tricycle owners at drivers ng pinakamalaking transport group na Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) ang papasada sa interfaith prayer rally upang igiit ang pagbaba sa puwesto ng Pangulo.


Binatikos din ng Piston ang para sa kanila'y posisyon nitong 'pumapabor' kay Arroyo. Gayunpaman, tiniyak ng grupo na hindi nito kayang palambutin ang matatag na paninindigan ng sambayanan laban sa katiwalian at kasinungalingan ng kasalukuyang pamahalaan.


Kapote, payong


Pinayuhan naman ni Binay na siya ring pangulo ng United Opposition (Uno) ang lahat ng magsisidalo sa interfaith prayer rally ngayon sa Makati na magdala ng mga payong at kapote na panangga sa ulan. Hindi umano dapat makahadlang ang posibleng pagsama ng panahon sa pagkakaisa ng taumbayan para sa katotohanan.


Ang pagtitipon na pangungunahan ng iba't ibang religious groups, Katoliko, Protestante, Aglipayan, Muslim at iba pa ay lalahukan din ng mga negosyante, propesyunal (guro, abogado, doctor), manggagawa (public at private workers), kababaihan, human rights advocates, urban poor, magsasaka, relihiyoso, civil society, non-governmental organizations (NGOs), mga dating miyembro ng gabinete at ang malaking bulto ng mga estudyante.


Sa panig ni Anakpawis partylist Rep. Crispin Beltran, naniniwala itong hindi matatapos ang kaliwa't kanang mga pagkilos ng taumbayan hangga't hindi bumababa sa kapangyarihan si Arroyo.


"People's participation is decisive in the broad movement to remove Arroyo and install a pro-people government. Signs of the times clearly indicate that it is high time for Mrs. Arroyo to step down. There's a high level of unity reached by broad sectors and that is to demand for Arroyo's resignation," ani Beltran.


Cardinal Rosales: Sabay-sabay tayong magdasal


Ipinanawagan naman kahapon ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang pakikiisa sa interfaith prayer rally.


"Ibig sabihin ng interfaith rally ay sabay-sabay na magdarasal at ipagdarasal nating lumabas ang katwiran at katotohanan. Maging mapayapa ang mga tao, mahinahon sa lahat ng hinihingi, okey 'yun," anang obispo.


Ayon naman kay Msgr. Gerardo Santos, NCR director for Catholic Education Association of the Philippines, solidong lalahok ang kanilang grupo sa interfaith prayer rally sa Makati ngayon kung saan hinihimok nila ang lahat ng college students, faculty members at Catholic school officials na sumama sa gagawing martsa mula Don Bosco hanggang sa panulukan ng Ayala Ave. at Paseo de Roxas.


"We thought of inviting senior high school students and they will be allowed to go provided they have parental consent," ani Santos.


Bro. Mike 'di sasali


Iisnabin naman ni Bro. Mike Velarde, spiritual leader ng pinakamalaking Catholic charismatic movement na El Shaddai ang naturang pagtitipon.
Ayon sa anak nitong si Buhay partylist Rep. Rene Velarde, nananatili umano ang suporta ng kanyang ama sa Pangulo. Ang nakakatandang Velarde ay spiritual adviser ni Arroyo.


Nauna nang nagbigay ng katiyakan si Jesus Is Lord (JIL) Movement leader Bro. Eddie Villanueva na dadalo sa interfaith prayer rally na ito ang 100,000 kasapian ng JIL, Bangon Pilipinas at Sagip Pilipinas.


'Wag harangin


Kahapon ay umapela rin si Binay sa mga awtoridad na huwag harangin ang mga kababayan mula sa karatig probinsya ng Metro Manila na nagnanais makibahagi sa interfaith prayer rally.


Ngunit tila hindi mapagbibigyan ang kahilingan dahil kahapon pa lamang ay inilatag na ng Central Luzon PNP ang checkpoints sa pitong lalawigang nasasakupan upang bantayan ang 'unusual troops at mass movement'.


Tiniyak nitong hindi nila palulusutin ang mga mass transport na 'out-of-line' o bibiyahe sa labas ng kanilang prangkisa.


Kaugnay nito, 8,000 pulis ang itinambak sa lungsod ng Makati upang mangalaga ng seguridad at kaayusan sa gaganaping pagtitipon.

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section