|
Mas lalo pang lumaki ang kalamangan ni Liberal Party (LP) presidential bet Sen. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III kay Nacionalista Party (NP) bet Sen. Manny Villar Jr. sa isang special survey.
Isang panibagong presidential survey na nag-leak sa media ang nagkumpirma at nagpakita ng malaking kalamangan ni Aquino kay Villar, maliban sa naunang TNS Tends survey kung saan sinasabing double digit ang abante ng una sa huli.
Isang reliable source ang nagkumpirmang nagpa-special survey si Villar sa Pulse Asia ng nakaraang Pebrero 6 hanggang 11 kung saan hindi umano pumabor sa nabanggit ang resulta nito.
Sa paunang impormasyong nakalap ng Abante, mas lalo pang lumawak ang kalamangan ni Aquino matapos makapagtala ng 42% habang bumagsak sa 26% si Villar, katumbas ang 16% agwat.
Sa nakaraang Pulse Asia survey, may petsang Enero 22 hanggang 26, halos statistically tie o tabla sina Aquino at Villar kung saan bumagsak sa 37 percent ang pambato ng LP habang 35 percent ang huli.
Tanging numero nina Aquino at Villar ang detalyeng ibinigay ng impormante, maliban sa pagkumpirmang nanatiling mababa si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada na pumapangatlo at pang-apat si ex-Defense Sec. Gilbert ‘Gibo’ Teodoro Jr.
“Special survey eto kaya ‘di mailabas ng Pulse. Mas lumaki ang lamang ni Sen. Aquino kay Sen. Villar. Nagpatawag nga ng meeting si Villar sa mga tauhan kasi ang laki ng diperensya,” anang source.
Bilang reaksyon, sinabi ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, campaign manager ng LP senatorial ticket, na “The results of the survey confirm our long-standing position that our people yearn for real change in their lives and aspire for a new direction for our nation. It is proof that despite the billions pumped in by our adversaries in paid ads, our people remain steadfast in their support for Senator Aquino and that they see in him the golden opportunity to elect an honest leader they can trust and who can make real change happen.”
“Sawang-sawa na ang mamamayan sa mga politiko na tuwing eleksyon ay pinapangako ang lahat ngunit sa huling banda ay inabuso rin ang kapangyarihan, nagsinungaling din habang nakaupo at nagpayaman at nagpakasasa sa puwesto. Hangad ng mamamayan ang tunay na mapagkakatiwalaan para umasenso na ang bansa at nakikita nila ito sa kandidatura ni Noynoy,” dagdag pa ni Pangilinan.
Samantala, sa inilabas namang resulta ng sariling survey ng The Issues and Advocacy Center kahapon, parehong nakakuha ang dalawa (Aquino at Villar) ng 27% sa isinagawang survey noong Pebrero 1 hanggang Pebrero 8.
Sa nasabing survey na nilahukan ng 1,800 respondents, kapansin-pansin naman na nakuha ni Villar ang National Capital Region (26%) kung saan si Aquino ay nakakuha lamang ng 22%.
Pumangatlo naman si dating Pangulong Estrada na may 17% na sinundan nina administration candidate Teodoro (14%), Sen. Richard Gordon (8%) at Bro. Eddie Villanueva (3%).
Sa vice presidential race, nanguna pa rin si Sen. Mar Roxas (37%), na sinundan nina Sen. Loren Legarda (28%), Makati Mayor Jejomar Binay (15%), dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando (9%), at ni actor-host Edu Manzano (4%).
Sinasabing ang dahilan ng pag-angat ni Villar ay ang kanyang mga infomercials bago nagsimula ang opisyal na kampanya.
|