|
Kultado pa ang utak o pagod pa marahil ang isipan ni GM Wesley So kaya walang maipakitang asim sa Group A, habang nahablot na mag-isa ni GM John Paul Gomez ang pamumuno sa Group B makalipas ang panlimang round kamakalawa ng 10th Aeroflot Open Chess Championships sa Hotel Gamma-Delta sa Moscow, Russia.
Nakakadalawang puntos pa lang ang top Pinoy woodpusher sa pangunahing pangkat ng torneo na may 86 na kalahok. Huli siyang nakipagpartihan sa isang puntos kay GM Stanislav Novikov ng Russia.
Patungo sa torneong ito’y nakipagpigaan din ng utak si So sa Tata Steel Chess Tournament sa Wijk Ann Zee, Netherlands.
Sa pangalawang pangkat na may 106 players, nilagare ni Gomez ang apat na dikit na pananalasa ni Russian GM Alexei Gavrilov para pataasin ang ipong puntos sa 4.5 sa likod ng apat na panalo at isang tabla.
May bentaheng kalahating puntos ang 24-anyos na mechanical engineering graduate ng De La Salle University-Taft sa mga bumubuntot sa kanya kasama si GM Darwin Laylo.
|