Kumbinsido mismo ang liderato ng Senado
na kinidnap nga si National Broadband Network (NBN)-ZTE Corp. deal
witness Rodolfo Noel ‘Jun’ Lozada mula sa airport noong
Pebrero 5, taliwas sa pilit na pagpapasinungaling dito ng mga
opisyal ng pamahalaang Arroyo, kasama na ng Philippine National
Police (PNP) at airport authorities.
“Maliwanag naman na kinidnap siya (Lozada).
Anim na oras siyang pinaikut-ikot hanggang sa Los Baños na
labag sa kanyang kagustuhan.
Hindi alam ng kanyang pamilya kung nasaan siya.
Nagpapanik ‘yung pamilya at hinahanap siya. Clearly, iyan
na ‘yung definition ng kidnapping.
So, walang duda na kidnapping ang nangyari kay
Lozada,” tuluy-tuloy na pahayag ni Senate President Manny
Villar sa panayam ng Abante.
Hindi rin kumbinsido ang Senate President sa paliwanag nina Environment
Sec. Lito Atienza, Philippine National Police (PNP) chief Director
General Avelino Razon at Manila International Airport Authority
(MIAA) assistant general manager Angel Atutubo na ‘malaya’
si Lozada noong gabi ng Pebrero 5 kahit nasa kustodya nila.
Ayon naman kay Sen. Mar Roxas, chairman ng Senate committee on trade
and commerce na kasamang nag-iimbestiga sa Blue Ribbon committee
sa broadband scam, ang pagdalo ng mga opisyal ng pamahalaan ay lalo
lamang naglubog sa kanila sa naturang kontrobersya.
“Biro mo, dalawang assistant GM ang sumundo sa kanya sa plane
side mismo, at dinala siya hanggang sa tarmac. Hindi pangkaraniwang
gawain iyon,” paliwanag ni Roxas.
“Para sa akin, malinaw na mayroong effort na itago siya, o
kaya ikubli siya, na sa ganoon, hindi na siya makarating dito,”
dagdag pa nito.
Sinabi naman ni administration Sen. Joker Arroyo na mukhang credible
ang mga sinabi ni Lozada sa Senate hearing subalit hindi umano sapat
ang mga testimonya nito para mapatunayan na nagkaroon nga ng overpriced
contract kaya tinangka siyang itago ng administrasyon sa publiko.
“Anong value ang ibibigay ko sa kanyang testimonya kung walang
supporting documents?” wika ni Arroyo.
Ayaw ni Joker kasi...
Habang binabakbakan ni Arroyo ang kawalan ng maipakitang ebidensya
ni Lozada na susuporta sa kanyang mga pahayag, kinantyawan naman
ni Sen. Panfilo Lacson ang senador sa diumano’y pagtanggi
nito na ‘kanlungin’ o tulungan si Lozada noong panahong
nagtungo ito sa tahanan ng senador (Arroyo) para magpasaklolo.
“Lumalapit na ang palay hindi pa niya tinuka samantalang ako
hinahanap ko ‘yung palay at nang makita ko ‘yung palay
talagang dinikitan ko eh,” ani Lacson.
Sinabi nito na ang pagtanggi umano ni Arroyo na makausap noon si
Lozada ay nagbibigay ng impresyon na ayaw nitong marinig ang sasabihin
nitong anomalya sa naudlot na $329 milyong National Broadband Network
(NBN) project ng pamahalaan sa ZTE Corp. ng China dahil sa madadawit
si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo rito.
“Hindi siya interesado sa totoo kasi ayaw niyang marinig ang
mga sasabihin ni Jun Lozada dahil hindi siya interesado dahil ang
mga tatamaan ay Malacañang,” paratang ni Lacson.
Itinanggi naman ni Arroyo ang insinuwasyon ni Lacson sa pagsasabing
hindi siya sunod-sunuran sa Malacañang.
Si Neri ang susi
Si dating National Economic and Development Authority (NEDA)
director general at ngayon ay chairman ng Commission on Higher Education
(CHED) Romulo Neri ang susi para tuluyang makaladkad si Pangulong
Arroyo sa naunsyaming broadband project.
Ito ang paniwala ni Lacson kaya’t todo-bantay umano ngayon
ang palasyo kay Neri para hindi ito makadalo sa Senate Blue Ribbon
Committee upang tularan ang ginawa ng kaibigan nitong si Lozada.
Ayon kay Lacson, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nawawalan
ng pag-asa na magbago ng isip si Neri at lumantad sa Senado upang
masabi ang katotohanan sa pagkakasangkot ng Pangulo sa broadband
deal scandal.
“Hinihintay namin si Neri eh baka sakali, baka sakaling tamaan
ng kidlat ay biglang mapunta sa aming pagdinig. Hindi iyon icing
on the cake ‘yun ang cake mismo... si Neri,” anang senador.
Kaugnay nito, muling isinulong kahapon ang giit na magbitiw na bilang
CHED chairman si Neri dahil sa kawalan nito ng ‘moral authority’
na pamunuan ang isang ahensyang pangkabataan, lalo pa’t wala
umano itong tapang na manindigan para sa katotohanan.
Sa pagkakataong ito, ang ‘resign call para kay Neri ay itinulak
ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at ilang militanteng estudyante.
Samantala, nakatakdang magsagawa bukas (Pebrero 14) ng ocular inspection
ang mga senador sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang
aktuwal na silipin kung saan idinaan si Lozada ng mga taong nag-escort
sa kanya palabas ng airport at tumangay sa broadband witness sa
Laguna at Cavite bago ibinalik sa Maynila. (With JB Salarzon)
|