|
CABANATUAN CITY --- Inabot ng mahigit dalawang linggo bago nabawi sa Cuyapo, Nueva Ecija ang 4-anyos na batang babae na tinangay mula sa kanilang tahanan sa Bgy. Tayabo, lungsod ng San Jose.
Laking tuwa ni Michael Ancheta, 29, nang mabalitaang dinala sa himpilan ng pulisya sa Cuyapo ang anak na si Jamaica, ng mag-asawang Jessie at Julie Moises, na umano’y pinag-iwanan ng babaeng tumangay sa paslit noong Enero 20.
Ang kidnapper na nagpakilala sa pangalang Mary Jane Bautista, tinatayang mga 25-30 anyos, 5’2” ang taas, kayumanggi at nagsabing taga-Sta. Maria, Quirino province ay tinanggap ng ina ni Michael na si Francisca Emana Ancheta, 63, noong Enero 18 sa kanilang tahanan at nakuha ang kanilang loob bago tinangay si Jamaica at kapatid na si Hena, 7-anyos.
Gayunman nabawi si Hena sa pinaglagakan na si Myrna Espigoy ng Bgy. Lomboy, Talavera.
Ayon sa mag-asawang Moises, huling linggo ng Enero noong dalhin sa kanila si Jamaica ng salarin at iniwan ang bata makaraang manghiram ng pera ng salarin hanggang mabalitaan sa TV na hinahanap na ito ng mga kaanak kaya isinuko sa pulis.
|