|
Inatasan ng Senate Impeachment Court ang prosekusyon na magsumite ng legal memorandum para patunayan kung “impeachable offense” ang hindi pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Chief Justice Renato Corona.
Ito ang naging utos ni Impeachment Court presiding officer at Senate President Juan Ponce Enrile matapos mag-usisa sina Senator-Judges Joker Arroyo at Francis ‘Chiz’ Escudero na maaaring nagsasayang lamang sila ng oras kung hindi naman pala impeachable offense ang hindi pagsasapubliko ng SALN at ang hindi paglalagay ng ari-arian ng nasasakdal sa naturang dokumento.
“We should determine whether the offenses or omissions committed by the respondent reaches the level of an impeachable offense,” giit ni Sen. Arroyo.
Pinaliwanag pa nito na hindi lahat ng “offense or omission” ay maituturing na impeachable offense kung kaya’t hiniling nito sa prosekusyon na maglabas ng memorandum para patunayan ito.
Ganito rin ang komento ni Sen. Escudero na nagbigay pa ng halimbawa na kung nahuli sa jaywalking si Corona o kaya ay naglagay ito sa Land Transportation Office nang mahuli sa traffic violation ay maituturing din itong impeachable offense.
“In other words, what I am asking for is kung mahigit sa isang milyon ang na-missed niyang hindi dineklara, does that make you impeachable? Kung limang daang libo lang does that make it impeachable? Kung anim na dineklara tapos lima lang pala talaga is that impeachable? Can you do that in your memorandum, on the part of the defense and the prosecution,” giit ni Escudero.
Tiniyak naman ng prosekusyon na patutunayan nila na culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust ang hindi pagsasapubliko ng SALN at ang hindi pagsasama ng ilang ari-arian ni Corona sa nasabing dokumento.
Sa ika-11 araw ng paglilitis kahapon, inestablisa ng prosekusyon sa pamamagitan ni private prosecutor Clarence Jandoc na isa pang condominium unit na binili at pag-aari nito simula pa noong 1997 ay hindi deklarado sa kanyang SALN.
Ito ay ang yunit sa One Burgundy Plaza na nagkakahalaga umano ng P3.4 milyon base sa testimonya ng testigong si Burgundy Realty Corporation vice president Greg Gregonia.
|