Hanggang hindi nakita ng sarili
kong mata, hindi ako naniwala na si Noynoy Aquino ay talagang mahal
ng mga Pilipino.
Inimbita namin siya sa Christmas Party ng Abante
noong Miyerkules, Dec. 9. Medyo nahuli ang dating. Lahat ng mga
empleyado namin at ilang bisita ay ‘di mapakali sa paghihintay.
Marami ay nasa labas ng Esplanade na pinagdausan ng party. Lahat
gustong makauna sa pagpapa-picture kasama si Noynoy.
Sa wakas dumating din. Biglang nagkagulo. Agawan
sa pagpuwesto sa tabi ni Noynoy para magpalitrato. Nag-usap kami
sandali. Nakapalibot sa amin ang maraming tao at tuloy ang picture
taking.
Sinabi ko sa kanya na tumayo na at pagbigyan
ang mga taong sa tingin ko ay higit pa sa ina niyang si yumaong
Cory ang paghanga sa kanya. Pagkatapos tumayo, hindi na nahinto
ang picture taking.
Naatraso tuloy ang programa namin sa Christmas
Party. Una niyang sinabi na hindi siya magtatagal dahil may session
ang Senado na hindi naman kalayuan sa Esplanade na malapit sa Diosdado
Macapagal Blvd.
Lalong lumaki ang gulo. Hindi siya makaalis.
Nagpunta siya sa comfort room. Sunod pa rin ang mga tao. Sa pinto
ng comfort room itinuloy ang picture taking.
Sa wakas, nagpaalam siya sa akin. Hindi naman
makalabas. Marami pa rin ang taong gustong magpakuha ng picture
na kasama siya.
Nasa pinto na palabas, hindi pa rin makaalis. Picture taking pa
rin. Lumakad na siya patungo sa kanyang kotse. Nalaman ng mga bisita
sa kabilang kuwarto ng parte namin na dumating si Noynoy.
Lumabas ang mga tao. Naatraso na naman ang pag-alis nito. Hinabol
siya ng mga tao at mga cameramen.
Ang nangyari noong Miyerkules ng gabi ay nagpatunay
sa aking paniniwala na tama ang survey. Nangunguna talaga si Noynoy
sa mga kandidato sa pagka-pangulo.
Dumating ang isa pang kandidato sa pagka-presidente
rin. Malamig ang pagtanggap ng mga tao. May picture taking din naman
sa mesa na inupuan niya. Pero hindi siya hinabol hanggang comfort
room, hanggang sa labasan, hanggang sa kotse.
Anong meron si Noynoy para dumugin siya ng tao.
Hindi naman siya ang pinakamarunong. Wala naman siyang maraming
nagawa bilang congressman at senador.
Sinabi pa ni dating Sen. Ernesto Maceda na autistic
daw si Noynoy. Ang taong autistic ay hindi nalalaman ang nangyayari
sa kanyang paligid. Hindi siya makatanda sa pinag-uusapan. Wala
akong nakitang ganyang senyales sa pag-uusap namin.
Tinanong ko kung ano ang programa niya kung
siya ay manalo. Hindi marami ang sinabi. Una raw ay palalakihin
niya ang ani ng bukid para mahinto ang pag-import ng bigas. Kasabay
nito, gagawin niya ang lahat para mahinto ang nakawan.
Sabi ko, ang problema ay ang ilang taong nakapaligid
sa kanya. Baka siya ay pagsamantalahan. Puwede raw mangyari. Lahat
ng pangulo ay pinagsasamantalahan ng ilang tao niya.
“Ano ang gagawin mo?” tanong ko.
Kung maliwanag at malakas ang sigaw ng bayan na may kasama siya
na nakakasira sa kanyang gobyerno, sisibakin niya kaagad. Sinabi
pa niya na dapat maging matatag ang media sa pagsisiwalat ng katiwalian
sa pamahalaan kasama na ang kanyang administrasyon kung mananalo
siya.
Pero bakit parang magneto si Noynoy sa tingin
ng tao. Tama ang iniisip ng marami. Anak siya ni Ninoy Aquino na
lumaban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos at pinatay. Hindi natupad
ang misyon ng kanyang ama.
Nahalal ang kanyang ina at itinumba ang dictator na si Marcos. Ibinalik
ni Cory ang demokrasya. Pero hindi rin natapos ang misyon.
Kailangang matuloy. Walang ibang magtutuloy kundi si Noynoy, tanging
anak na lalaki nina Ninoy Aquino at Corazon Cojuangco.
Walang kandidato na may ganyang katangian. Si Noynoy lamang. Hindi
kailangan ng bayan ang pulitikong marunong. Ang kailangan ay lider
na malinis at hindi magnanakaw.
|