BAGUIO CITY --- Inihayag ng
pamunuan ng Baguio Center for Young Adults (BCYA) na nakakaalarma
na ang pagdami ng kaso ng teenage pregnancy sa lungsod ng Baguio.
Bagama’t walang opisyal na datos na ipinapalabas, sinabi
ng opisyal ng naturang non-government organization (NGO) na si Paolo
De Castro na natuklasan nila sa kanilang pag-aaral na karamihan
sa mga nabubuntis ay gumagamit ng ilegal na droga at umiinom ng
alak.
Inaamin mismo sa kanila ng mga kabataan na nabuntis sila habang
nasa impluwensiya ng ilegal na droga o kaya ay lango sa alak kasama
ang kanilang mga barkada.
Dahil dito, marami sa mga nabubuntis ay hindi nila alam kung sino
ang ama ng kanilang magiging anak.
Sinabi pa ni De Castro na karamihan sa mga biktima ay mga anak ng
mga negosyante at mga Overseas Filipino Workers na hindi nabibigyan
ng sapat na gabay ng kanilang mga magulang.
|