Wala pang linaw kung hihingi ng paumanhin ang Philippine government
sa Thailand matapos itong igiit ng embahada ng huli bunsod nang
umano’y pagbansag ng isang Malacañang official kamakailan
na “politically immature” ang mga mamamayan ng Thailand.
Kasabay nito ay itinatwa ni Deputy Presidential Spokesman Anthony
Golez na sinabi niya ang nasabing bagay tulad nang iniulat ng isang
wires’ report dahil ang natatandaan umano niyang sinabi niya
kamakailan ay hindi mangyayari sa Pilipinas ang stand-off sa Bangkok
airport dahil mataas na ang antas ng political maturity ng mga Filipino.
“For the record, I did not say that Thais are not politically
mature. I said in the interview that Filipinos have reached a high
level of political maturity,” paglilinaw ni Golez.
Aniya, walang intensyon ang kanyang pahayag na kutyain ang mga Thai
people at malinaw na ito ay pagkakamali ng nagsulat ng nasabing
balita.
Nang matanong kung magso-sorry siya sa Thai government o magpapaliwanag
hinggil dito, sinabi ni Golez na bagama’t handa siya na makausap
ang Thai ambassador, sa ngayon ay sapat na ang ipinalabas niyang
klaripikasyon.
Samantala, tinabla ni Senador Richard “Dick” Gordon
ang ‘sorry’ na hinihingi ng pamahalaang Thailand matapos
ilarawang ‘immature’ ang usaping pulitika bunga ng nangyayaring
kaguluhan, katulad ang pagkubkob sa mga paliparan dito.
Ayon kay Gordon, chairman ng blue ribbon committee, hindi kailangang
humingi ng paumanhin o public apology sa pamahalaang Thailand dahil
nagkamali lamang ng intindi si Ambassador Kulkumut Sinharana Ayudhaya.
|