Handang bawiin ng mga transport groups ang inihaing
dagdag pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory
Board (LTFRB) para sa mga pampasaherong sasakyan kapalit ng pagbawi
sa 12 porsiyentong expanded value added tax (EVAT) sa mga produktong
petrolyo.
Sinabi ni Atty. Vigor Mendoza, chairman ng United Transport Koalisyon
(1-UTAK) na nagkakaisa ang mga transport groups kabilang ang Federation
of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines
(FEJODAP), Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO),
Pasang Masda, at Makati Jeepney Operators and Drivers Association
of the Philippines (MJODAP).
Ipinaliwanag ni Mendoza, na hindi sila mag-aaksaya ng panahon at
oras na magtungo sa LTFRB para bawiin ang inihain nilang P9 fare
increase para sa mga pampasaherong jeep.
Idinagdag pa ni Mendoza na sa sandaling mawala ang 12% EVAT ay magiging
presyo ng diesel ay magiging P34 kada litro na lamang mula sa kasalukuyang
presyo nitong P38.00.
Sakali umanong magmatigas ang pamahalaan sa desisyon nitong huwag
galawin ang EVAT ay marapat lamang na magbigay ito ng mga alternatibong
suhestiyon.
Kabilang sa hinihingi ng 1-UTAK ang pagpatawag sa mga local government
units (LGUs) na isa umano sa nagbibigay suliranin sa mga drivers
at umaagaw pa sa ikinabubuhay ng mga ito.
Isinusulong din ng mga transport groups ang pagkakaroon na lamang
ng single-ticketing system na ang Land Transportation Office (LTO)
na lamang ang bahala sa panghuhuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko.
|