Bilang bahagi ng malaking sektor ng riding public,
nakikiisa kami sa pasasalamat ng milyong commuters sa bansa
sa magandang kalooban ng marami sa ating mga transport groups.
Una na nga ay dito sa Liga ng Transportasyon
at Operator sa Pilipinas (LTOP) na sinundan ng malaking umbrella
transport organization na 1Utak.
Sila ay kusang-loob na nagbaba ng minimum na pasahe sa jeep ng lahat
ng miyembrong tsuper at operators mula sa P8 para gawing P7.50.
Ang
nakakabilib dito ay ang pagkukusa nila na magpatupad ng rollback
sa minimum fare kahit hindi pa inuutos ng Land Transportation Franchising
Regulatory Board (LTFRB). Mahirap nga lang na magtapyas sila sa
mga succeeding kilometers dahil kailangan na ng matrix na magsisilbing
guide nito para sa pare-parehong implimentasyon sa bawat ruta.
Pero talagang nakakabilib ha. At isa talaga
itong sensitibong hakbang mula sa kapuri-puring transport groups.
Eksakto talaga ang katwiran ng LTOP e. Bumaba
na nga naman ang presyo ng diesel, ano pa ang dahilan para hindi
sila magbaba rin ng singil sa pasahe. Kapuri-puri talaga ang ganitong
kaisipan.
Malayung-malayo ito sa mentalidad ng ilang opisyal
ng gobyerno na wala nang ibang inisip kundi ang sariling bulsa at
kaginhawahan.
Kung tutuusin ay puwede namang hintayin na lang
nila ang LTFRB dahil ito naman talaga ang nagre-regulate sa pasahe
pero mukhang nainip na sila at naawa na sa mga pasahero kaya ikinusa
na nila ito.
Medyo insulto lang talaga sa LTFRB. Lalo lang
lumutang na mabagal talaga silang umaksyon para sa kapakanan ng
riding public. Mas sensitibo pa ang ilang transport groups sa pangangailangan
ng mga pasahero.
Nauna na nating inilutang dito sa ating editoryal
ang mahal na bayad sa fare matrix o taripa na posibleng isa sa rason
kung bakit hindi agad makapagpasya ang LTFRB na i-adjust sa makatwirang
halaga ang pasahe, hindi lang minimum kundi pati na ang mga succeeding
kilometers.
Dapat kasi ay libre ito o kaya ay halagang P50
lang. Ang problema ay ginagatasan nila ang mga operators sa paniningil
ng P600 kada matrix e. Ayan tuloy ngayon, hindi sila basta makapaglabas
ng bagong taripa dahil magwawala na talaga ang transport group.
|